BBM Ipinapamahagi ni UniTeam presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang kanyang mensahe ng pagkakaiaa sa higit 60,000 na supporters Sabado ng gabi sa Riverbanks Amphitheater sa Marikina City. Kuha ni VER NOVENO

Marikina ‘Di papayag madaya ulit si BBM

272 Views

IPINAGDIINAN ng mga taga-Marikina na sa pagkakataong ito ay hindi na sila papayag pa na muling madaya si presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa darating na halalan sa Mayo 9, 2022.

Matatandaang nagkaroon ng matinding dayaan noong 2016 kung saan sa panahong iyon ay tumatakbong bise-presidente si Marcos, subalit natalo sa hindi maipaliwanag na dahilan bagamat malaki ang naitalang lamang sa katunggali nitong si Leni Robredo.

Ang hiyawang “Hindi kami papayag na dayain ka!” ay dumagundong sa mahigit 20 ektaryang sakop ng Riverbanks Center, Marikina City noong Sabado, kung saan ginanap ang grand rally ng BBM-Sara UniTeam na dinumog ng libo-libong mga taga-suporta.

Mayroong mga supporters na alas singko (5 a.m.) pa lang ng umaga ay tumungo na sa Riverbanks Center, ang ilan naman ay naghanda ng kanilang karatula na kanilang dadalhin sa rally, may hindi rin nakatulog dahil sa balitang bibisita ang UniTeam sa kanilang lugar.

“Maaga palang nandito na kami, siguro mga 5 a.m. saktong dumating kami dito, ganon na lang ‘yung pagmamahal namin kay BBM at Sara, buo ang suporta namin sa kanila, lahat kami sa pamilya solid BBM-Sara,” ayon sa isang grupo.

“Sa sobrang excited ko nang mabalitaan na darating si Marcos tsaka si Sara, hindi ako nakatulog ng maayos, ‘yung red na damit ko hinanap ko, hinanda ko, bumili ako ng cartolina, nagsulat ako kasi gusto ko mabasa nila ito para mapatunayan na kaisa nila ako,” wika naman ng isang supporter.

Sa kabila ng nangyaring pag-ulan, hindi kumalas sa kanilang kinatatayuan ang mga supporters ng UniTeam, matiyagang hinintay ang pagdating ni Marcos at Duterte, dala ang kanilang mga payong bilang panangga sa malakas na buhos.

Hindi naman sila binigo ni Marcos, at ang tilian ng mga tao ay nakakamangha sa tuwing gagalaw si Marcos ay para siyang isang rockstar at ang madla ay seryosong nakikinig sa bawat bigkas ng salita ng dating senador tungkol sa pagkakaisa at pangakong pag-unlad sa bansa.

Sinisigaw nila “BBM!, may nanalo na!, Marcos pa rin!, panalo ka na!” na dumagundong sa lugar habang ipinangako nila na poprotekatahan nila si Marcos upang hindi na madaya muli.

“Maraming salamat, talaga naman ang gulat ng UniTeam, napakainit ng inyong pagtanggap sa ‘min dito sa Marikina, umulan na, pero mainit pa rin ang inyong pagtanggap, pagpasok ko kanina grabe ang daming tao,” ani Marcos.

Sinabi pa ng dating senador na tunay ngang niyakap na ng mga Marikeño ang adhikain ng BBM-Sara UniTeam na pagkakaisa, kitang-kita at ramdam na ramdam aniya ito dahil sa masayang sigawan ng mga tao.

“Isigaw ninyo para marinig ng buong Pilipinas na dito sa Marikina, nagkaisa na sa likod ng UniTeam at sa tambalang Marcos-Duterte, nakikita namin na mahalaga ito dahil alam namin na galing sa puso ang inyong sigaw, pagkamay at suportang ibinibigay niyo sa amin,” sabi ng pambato ng PFP.

Napahinto naman si Marcos sa kalagitnaan ng kanyang talumpati nang sinabi ng mga Marikeño ang “Hindi kami papayag na dayain ka” ng hindi magkamayaw at sabay-sabay.

“Hindi na tayo papayag, pagdating ng Mayo padadalhan ko kayo ng tone-toneladang kape, walang iidlip, kapag naiidlip minamalas tayo eh,” pabirong banggit ni Marcos.

“Walang tulugan, walang tulugan, walang tulugan!” sambit ng mga supporters.

Sa kabuuan, naging matagumpay ang isinagawang grand rally sa Riverbanks Center, Marikina City na dinaluhan ng daang-libong BBM-Sara supporters, ayon na rin sa Philippine National Police (PNP)-Marikina.

Dagdag pa diyan ang bilang ng nanuod sa live broadcast ng SMNI na may naitalang mahigit 2.9 milyong viewers.