pauls

Marumi talaga ang halalan

Paul M Gutierrez May 12, 2022
275 Views

“OPO,” mga kabayan. Marumi talaga ang halalan dahil kada eleksiyon, tone-toneladang campaign materials ang iniiwan at kailangang baklasin.

Sa National Capital Region pa lamang, nasa 180.87 toneladang campaign material na ang nahakot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) simula Mayo 7.

At dahil ngayong taon ay presidential elections, hindi hamak na mas marami ang naging kalat ngayon sa mga lansangan kumpara noong senatorial elections.

Siyempre, naiiwan sa mga barangay at ahensiya ng gobyerno gaya ng MMDA ang paglilinis ng mga campaign material na ito na sana ay maging responsable ang mga kandidato sa pagtatanggal ng kanilang mga campaign paraphernalia.

Dahil nagsimula sa mga kandidato ang pagkakabit sa mga ito, kailangang magsimula din sa kanila ang paglilinis dahil pagpapakita lamang ito ng pagiging responsable hindi lamang bilang kandidato kundi pagiging mamamayan.

Ang maganda lamang dito ay mayroong solid waste granulator ang MMDA sa Tondo, Manila upang i-recycle at gawing hollow blocks ang mga ito. Ibig sabihin, alam kung paano mababawasan ang basura at magawa ito ng kapaki-pakinabang.

Ang hirap dito sa Pilipinas, hanggat walang batas na mag-oobliga sa mga kandidato na linisin ang kanilang mga campaign material pagkatapos ng eleksiyon ay hindi nila kusa itong gagawin.Maaaring may gumagawa ng mga paglilinis na ito pero malamang bilang lang sa daliri sa buong Pilipinas.

Kaya naman sana ay magkaroon ng mas mahigpit na polisiya o batas para higit na maging maayos at malinis ang ating mga halalan. Iyong batas na may pangil na talagang mag-oobliga sa mga kandidato na sumunod dito.

Pero syempre naman, may masasabi tayong mga improvement sa mga restrictions na ginawa ng Commission on Elections noon. Kaya naman bawal na magdikit-dikit kung saan-saan gaya sa mga pader, center-island, mga puno at iba pa. Na para bang fiesta sa dami at kung saan-saan na lang pwedeng magdikit.

Sa kabila nito, marami pa ring mga ipinagbabawal na talaga namang nakalusot o hinayaan na lamang ngayong eleksiyon. Siguro talagang matigas lang ang ulo ng mga Pilipino o may kakulangan sa oryentasyon sa kung saan pwede at hindi pwedeng maglagay ng mga campaign material.

Kaya naman aasahan natin na sa susunod na halalan ay magiging marumi pa rin ang ating eleksiyon hanggat nananatili ganito ang kaisipang mga kandidato at wala pa ring matapang na batas na sasagot para sa problemang ito.

At ang pinakamarumi sa lahat, yung kapag natalo, sisigaw ng “dinaya” at dadaanin sa protesta, katulad ng ginawa at ginagawa ng kampo ni VP Leni Robredo.

Puwede, ba, pag olats, olats!