Calendar

Mas mahigpit na aksyon vs vape smuggling pinanawagan
IPINAHAYAG ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian ang kanyang suporta sa matibay na paninindigan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa talamak na smuggling ng electronic vaping products. Aniya, malaking tulong ito sa layunin ng bansa na maprotektahan ang mga konsyumer—lalo na ang mga kabataan—mula sa mapanganib at ilegal na produkto. “I am elated to learn of the President’s commitment to rally behind the campaign against smuggling of electronic vapes,” ani Gatchalian sa isang pahayag noong Abril 10, 2025.
“We can expect a relentless and intensified crackdown that will hold violators accountable and dismantle their operations, given the President’s avowed determination to address this concern.” Gatchalian said.
Ang pahayag ng senador ay kasunod ng mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na pagpasok at distribusyon ng vape sa bansa. Batay sa ulat, halos tatlong milyong piraso ng hindi awtorisadong e-cigarette devices at piyesa na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit ₱3.2 bilyon ang winasak sa Port of Manila nitong unang bahagi ng Abril. Pinangunahan ito ng Bureau of Customs at sinaksihan mismo ng Pangulo bilang bahagi ng hakbang laban sa iligal na kalakalan na umiiwas sa buwis at lumalabag sa mga regulasyon.
Ibinabala rin ni Gatchalian ang lumalaking panganib na kinahaharap ng kabataan. “Laganap na ang panlilinlang pati sa mga kabataan — sila na ngayon ang pangunahing tinatarget ng mga mapagsamantalang nagbebenta ng mapanganib at ilegal na produkto,” babala niya.
Ipinapakita ng datos mula sa 2019 Global Youth Tobacco Survey na 14% ng mga estudyanteng Pilipino na may edad 13 hanggang 15 ay gumagamit na ng e-cigarettes. Ayon sa mga eksperto, maraming smuggled vape products ang may makukulay na packaging at may lasa na malinaw na nakatuon sa panlasa at interes ng mga kabataan.
Nagpahayag din ng babala ang mga grupo para sa pampublikong kalusugan na tila mas naaakit ang kabataan sa vaping kaysa sa pag-aaral—isang usaping maaaring magdulot ng pangmatagalang epekto sa kalusugan at lipunan.
Ipinunto rin ni Gatchalian na hindi lamang ito usaping pangkalusugan kundi may mas malawak na epekto sa ekonomiya at kapakanan ng mamamayan. “Smuggling does not only cause economic damage, it also undermines consumer welfare and poses risks to health,” aniya. “Higit pa sa kawalan sa gobyerno ang smuggling, pinagkakaitan nito ang ating mga kababayan ng mga programang makakatulong sa kanila para makaahon sa kahirapan.”
Dahil sa smuggling ng vape products, nalulugi ang gobyerno ng malaking halaga mula sa hindi nababayarang buwis—pondong sana’y magagamit para sa mga serbisyong tulad ng edukasyon, kalusugan, at programa kontra kahirapan.
Bilang tagapagtaguyod ng proteksyon sa kabataan at responsableng pamimili, ipinahayag ni Gatchalian ang kanyang kumpiyansa sa determinasyon ng administrasyon. Ang kanyang panawagan ay tumutugma sa layunin ng Republic Act No. 11900 o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act, na nagtatakda ng mahigpit na regulasyon mula sa paggawa, pag-label, pag-aanunsyo, hanggang sa pagbebenta ng vape products.
Matagal nang isinusulong ni Gatchalian ang mas maigting na pagpapatupad ng batas at mga kampanyang pang-edukasyon upang hadlangan ang paggamit ng vape sa mga menor de edad at masigurong sumusunod sa pamantayang pangkalusugan ang mga produkto.
Dahil na rin sa suporta ng Pangulo, umaasa si Gatchalian na lalakas pa ang operasyon ng mga ahensya ng gobyerno upang buwagin ang mga illegal supply chain at mapanagot ang mga smuggler.