pauls

Mas mahigpit na parusa sa pasaway na motorista

234 Views

NITONG Linggo, mabilis na kumalat ang balita sa pagkakasagasa sa isang traffic enforcer ng isang SUV sa Mandaluyong. Makikita sa video kung paano nasagasaan ang kaawa-awang traffic enforcer na tinakbuhan ng suspek ang pangyayari.

Kinilala ang biktima na si Christian Joseph Floralde na kasalukuyan ngayong nagpapagaling sa ospital sa Mandaluyong.

Agad namang umaksyon ang awtoridad upang mahanap ang suspek sa pananagasa pero ang isa sa mga tanong ay mukhang walang gaanong presensya ng pulisya sa nasabing lugar. May mga nagtangka umanong habulin ang nasabing SUV pero hindi inabutan.

Dahil mabilis na nag-viral ang video ay maging si incoming Senator JV Ejercito ay nahigh blood sa pangyayari, nagawang mag-alok ng P50,000 sa sinumang makakapagbigay impormasyon sa kung sino ang nagmamay-ari ng nasabing SUV.

Dahil sa init ng isyu ay mabilis naman itong natunton ng mga awtoridad. Nagawang puntahan sa bahay ng nagmamay-ari ng sasakyan pero ayon sa ulat, dalawang beses umanong hindi pinapasok ang mga pulis.

Naglabas naman ng show-cause order nitong Lunes ang Land Transportation Office Intelligence and Investigation Division (LTO-IID) sa may-ari ng sasakyan at sa nagmamaneho nito na magtungo sa tanggapan nito.

Sa pagkakasulat nito ang hinihingi sa suspek ay magbigay ito ng written explanation sa nangyari para hindi daw umano ito kasuhan ng reckless driving sa ilalim ng Sec. 48 ng Republic Act 4136.

Syempre, mapapataas talaga tayo ng kilay sa ganitong klase ng paghawak sa kaso. Sabihin na nating sinusunod ng PNP at LTO ang batas pero hindi mo maiiwasang mapaisip kung bakit parang tila malambot ang kanilang kamay sa kasong ito? Ang tanong ng marami maimpluwensiya ba ang suspek?

At ito ang malaking problema natin kung ang ganitong kalaking isyu ay mapapalampas at hahayaan ang mga ganitong motorista sa kalsada. Yung kaya nilang gawin ang ginagawa nila dahil kayang-kaya nila ang batas o di kaya’y daanin sa areglo ang lahat.

Nakakalungkot dahil ito ang alam nating nagiging kalakaran kapag may mga malalaking taong sangkot sa ganitong mga insidente. Hindi ka makakampante sa kalsada na baka isang araw ikaw o pamilya mo ang mabiktima ng mga ito.

Ang pagkakaalam po natin noong kumuha tayo ng lisensya ay ang pagmamaneho ay isang prebilehiyo at hindi isang karapatan. Dahil unang-una wala pong karapatang magmaneho ang ganitong klaseng mga driver.

Kung hahayaang muli ng LTO na magkalisensya ang ganitong klase ng drayber sa kalsada ay umasa po kayo na hindi ito ang huling pangyayari na magkakaroon tayo ng ganitong klase ng insidente na sasagasaan lamang ang ating mga traffic enforcer.

Hindi rin makatao ang ginawang pang-iiwan sa biktima kahit na ano pa man ang maaaring gawin nilang paliwanag.

Dapat sana ay mas magkaroon ng mekanismo ang LTO kung paano pinapayagang magkaroon ng lisensya ang mga drayber dahil buhay po ang hawak ng mga ito. Tulad ng baril, nakamamatay din po ang pagmamaneho na lamang basta-basta. Na kapag nakahawak na ng manibela ay drayber na.

Ang pagmamaneho ay isang pribelehiyo at isang responsibilidad. Kaya nararapat lamang na mas mabigat ang kaparusahan sa mga paglabag dito lalo na kung ang kaligtasan ng publiko ang dapat pinapangalagaan.