Calendar
Mas maigting na kampanya vs illegal recruitment hiniling
IMINUMUNGKAHI nang Overseas Filipino Workers (OFW) Party List Group kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na kailangan lalo pang paigtingin ng gobyerno ang kampanya laban sa illegal recruitment dahil mas mapangahas ngayon ang sindikato na nasa likod nito.
Binigyang diin ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na kailangan maging masigasig ang kampanya ng administrasyong Marcos, Jr. laban sa lumalaganap na illegal recruitment dahil ang nasabing modu-operandi ay talamak narin ngayon sa social media.
Ang pahayag ni Magsino ay kaugnay sa talamak na pangga-gantso sa internet sa pamamagitan ng nangyayaring illegal recruitment o “online job scamming”. Kung saan, maraming kabataang Pilipino ang nabibiktima nito dahil sa pangakong malaking suweldo na kikitain nila sa ibang bansa.
Nababahala si Magsino sapagkat habang lumalaon ay lalong nagiging mas mapangahas ang mga illegal recruiter at mga taong nasa likod ng kanilang modu-operandi dahil pati ang social media ay kinakasangkapan narin nila para lamang humanap ng kanilang mabibiktima.
Sinusuportahan din ng kongresista ang panukala upang magkaroon ng malawakang imbestigasyon o “full blown investigation” ang Kamara de Representantes kaugnay sa nangyayaring illegal recruitment sa online para matukoy at mapanagot sa batas ang mga taong nag-ooperate nito.
“Mas mapangahas na ngayon ang mga sindikato at kawatan sa illegal recruitment. Sapagkat pati ang online o social media ay pinasok narin nila kaya hindi puwedeng maiwan sa kalumaan o old style an gating sistema sa pakikipag-laban sa kanila,” dapat mas paigtingin ang kampanya laban sa illegal recruitment,” sabi ni Magsino.
Iminungkahi din ni Magsino na kailangan din aniya repasuhin ang mga batas patungkol sa paggamit ng teknolohiya. Sapagkat masusupil lamang ang illegal recruitment sa online kung magiging mahigpit ang gobyerno sa paggamit ng social media na kinakasangkapan naman ng mga sindikato.