Pic

Mas makilala pa Batangas cacao sa merkado isinusulong

82 Views

TAGUMPAY ang pagdiriwang ng Batangas Cacao and Chocolate Day kamakailan sa provincial auditorium, capitol compound ng Batangas City.

Muling naisakatuparan ang aktibidad sa ikalawang taon sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg).

Dumalo sa ribbon-cutting sina OPAg Assistant Agriculturist, Gng. Luz M. Labit, Batangas Tourism and Cultural Affairs Office Head Dr. Katrin Erika Buted, Batangas Cacao Growers Association President Cayo Casanova at DTI Batangas Provincial Director Leila Cabreros.

Nagbigay ng mensahe si Provincial Administrator Wilfredo Racelis na nagsilbing kinatawan ni Gov. Hermilando Mandanas.

Ayon sa gobernador, layunin ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas para sa industriya ng cacao na mas makilala pa sa merkado ang mga produktong tsokolate na nagmumula sa Batangas.

Nasa mahigit 100 mga magsasaka, chocolate makers at mga eksperto sa industriya ng cacao ang nagtipon-tipon mula sa iba’t-ibang farmers’ association sa Calaca, Lipa, Batangas City Cuenca, Sta. Teresita, Mataasnakahoy, Taysan, San Jose, San Pascual, San Juan, Padre Garcia at Bauan.

Naging bahagi rin ng aktibidad ang Techno-Forum kasama ang resource persons na sina Irene M. Becerra at Edgar Becerra, may-ari ng Vin Vie Integrated Farm sa Mataasnakahoy.

Lubos ang pasasalamat ni OPAg Batangas Provincial Cacao Focal Person Diana Rose P. Manoy sa lahat ng mga dumalo sa ikalawang taon ng Batangas Cacao and Chocolate Day.

Aniya, hangad niyang mas mapalawak pa ang bilang ng mga Cacao Growers Association sa 34 na LGUs ng probinsya.

Ang pagkakaroon ng Cacao and Chocolate Day celebration ng Batangas patunay sa patuloy na pagyabong ng industriya ng cacao sa lalawigan na siyang nagbibigay hanapbuhay sa mga Batangueño at pagkakakilanlan sa mayamang agrikultura na mayroon ang Batangas.