Magsino

Mas malaking budget para sa DMW inapela

Mar Rodriguez Sep 26, 2023
191 Views

UMAAPELA si OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino sa mga kapwa nito mambabatas sa Kamara de Representantes na sana’y mabigyan mas malaking budget ang Department of Migrant Workers (DMW) alinsunod sa kanilang 2024 proposed national budget.

Sinabi ni Magsino na ang kasalukuyang budget ng DMW o ang kanilang proposed national budget para sa taong 2023 ay nagkakahalaga ng P4.56 billion. Subalit sa kasamaang palad aniya ang kanilang pondo para sa susunod na taon (2024) na nagkakahalaga ng P3.56 ay binawasan ng 20%.

Binigyang diin ni Magsino na nakakadismaya umano ang nangyaring “budget cut” o pagtatapyas sa pondo ng DMW sapagkat maaari aniyang maapektuhan nito ang kanilang mga serbisyo at programa para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at iba pang regular operations ng ahensiya.

Dahil dito, nananawagan ang OFW Party List Lady solon sa kaniyang mga kapwa kongresista na taasan ang budget ng DMW. Mas mataas umano kumpara sa kasalukuyang budget nito na P4.56 billion.

“The budget cut is unfortunate because it could result to less services and programs for our OFWs especially at this point that DMW is about to end the transition period and establish its regular operations. I appeal to my colleagues in Congress to increase DMWs budget to a level bigger than its current budget,” ayon kay Magsino.

Ayon kay Magsino, noong February 2023. Hinikayat na rin nito ang mga member-agencies ng Development Budget Coordinating Council (DBCC) para i-prioritize ang mga government funding para sa pagsusulong sa kapakanan at interes ng mga OFWs sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sapat na pondo para sa DMW.

“Nakakalungkot lamang na sa pagliit ng budget ng DMW. Malilimitahan din ang programa ng DMW para sa ating mga OFWs. Kung sino pa ang malaki ang kontribusyon sa ating ekonomiya sila pa itong kukulangin sa kalinga at proteksiyon ng pamahalaan,” dagdag pa ni Magsino.