Magsino

Mas malalim na pagsisiyasat sa ‘katiwalian’ sa Immigration Dep’t hiniling

Mar Rodriguez Mar 28, 2023
267 Views

NAIS nang Overseas Filipino Workers (OFW) Party List Group sa Kamara de Representantes na kailangan gawing mas malalim ang imbestigasyon kaugnay sa kontroberisya o katiwaliang kinasasangkutan mismo ng ilang tauhan at opisyal ng Bureau of Immigration (BI).

Ikinatuwiran ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na mahalagang malaman kung sino-sino pa ang mga tauhan o opisyales sa loob ng BI ang posibleng sangkot sa nangyaring eskandalo sa nasabing ahensiya na kinasangkutan mismo ng isang immigration officers.

Nauna rito, nabunyag ang “organisadong estilo” sa loob ng mismo ng BI para sa pagpapalabas ng mga OFW’s papuntang Cambodia. Makaraang mabisto ang modus-operandi sa loob ng Clark International Airport na kinasasangkutan ni Immigration Officer 1 Alma Grace Ambrocio David.

Dahil sa pangyayaring ito, iginiit ni Magsino na kailangang mas lalo pang palawakin ang imbestigasyon kaugnay sa talamak na sabwatan sa pagitan ng mga Pilipinong pasahero at ilang tiwaling opisyal ng Immigration Department para malaman kung sino-sino pa ang mga sangkot sa ganitong modus.

Sinabi ni Magsino na hindi maaring kumilos si David nang siya lamang at hindi nalalaman ng iba pa nitong kasamahan sa loob ng BI. Sapagkat hindi aniya maglalakas ng loob ang nasabing “immigration officer” kung walang basbas mula sa isang padrino o mataas na opisyal.

Naniniwala ang kongresista na isang malaki at organisadong sindikato ang posibleng kumikilos sa loob ng immigration Department kaya hindi matapos-tapos ang mga kaso ng illegal recruitment at human trafficking sa loob ng ahensiya na kinakailangang aksiyunan sa lalong madaling panahon.

“Nakakadismaya kapag ating nababalitaan na mga empleyado pa ng gobyerno ang umano’y kasabwat ng mga sindikato upang madala ang ating mga kababayan sa panganib dulot ng illegal recruitment at human trafficking. Kaya’t dapat imbestigahan at parusahan ang lahat sangkot sa modus na ito,” paliwanag ni Magsino.