Chiz

Mas mataas na produksyon ng magsasaka ng palay inaasahan

144 Views

INAASAHAN ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero na magkakaroon ng mas mataas na produksyon ang mga magsasaka ng palay dahil sa pinalakas na suporta ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga amyenda sa Agricultural Tariffication Act of 1996.

Sa paglagda ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bukas, Disyembre 9, 2024, sa Senate Bill No. 2779 bilang batas, sinabi ni Escudero na makatatanggap ng mas malaking tulong ang mga magsasaka ng palay sa anyo ng makinarya at kagamitan sa sakahan, libreng pamamahagi ng dekalidad na inbred certified seeds, at iba pang interbensyon.

Pinalawig ng batas ang bisa ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), na nagmumula sa mga taripa mula sa importasyon ng bigas, hanggang 2031.

-Itataas din ang taunang alokasyon para sa RCEF mula sa kasalukuyang P10 bilyon tungo sa P30 bilyon hanggang 2031.

Kailangan palakasin ang suporta sa ating mga magsasaka para makamit natin ang hangarin na makapag-ani ng mas marami pang bigas at mapababa ang presyo nito para sa ating mga mamamayan. Mahalaga para sa lahat ng Pilipino ang bigas kung kaya tinugunan ng Senado ang pagpasa ng mga batas tulad nito para makamit natin ang hangarin na ito,” ani Escudero.

Magtatago rin ng buffer stock ng bigas na katumbas ng 30 araw sa anumang panahon upang masuportahan ang mga relief program ng pamahalaan sa panahon ng kalamidad at matugunan ang mga sitwasyong may krisis sa seguridad sa pagkain.

Papalakasin ng Department of Agriculture, sa pamamagitan ng Bureau of Plant Industry, ang inspeksyon at monitoring sa mga bodega at pasilidad pang-agrikultura upang matiyak ang matatag na suplay ng bigas sa merkado, pati na rin ang kontrol sa kalidad ng bigas na ibinebenta sa mga mamimili.

“We want to avoid a situation where the price of rice shoots up unnecessarily due to smuggling or hoarding. This has long been a problem in the country that should be addressed immediately,” ani Escudero.

Binibigyan din ng bagong batas ang Kalihim ng Agrikultura ng mas malaking kapangyarihan upang tumugon sa mga deklarasyon ng kakulangan sa bigas o sa hindi pangkaraniwang pagtaas ng presyo nito.

Sa mga panahong mayroong hindi pangkaraniwang pagtaas ng presyo ng bigas, ang Kalihim ng Agrikultura ay may kapangyarihang magtalaga ng mga importer, maliban sa National Food Authority, upang mag-angkat ng bigas para madagdagan ang suplay at mapatatag ang presyo.

Ang SBN 2779 ay inisponsoran ni Senator Cynthia Villar bilang chair ng Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform. Pinagsama-sama rin nito ang mga panukalang isinulong nina Senators Imee Marcos, Robin Padilla, at Villar.