Dy

Mas pinaigting na kampanya ng PNP laban sa illegal POGO pinapurihan ni Dy

Mar Rodriguez Feb 28, 2025
10 Views

PINAPURIHAN ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Rep. Faustino “Inno” A. V ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) bunsod ng mas pinaigting na kampanya nito laban sa illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Binigyang diin ni Dy na ang pinaigting na kampanya ng PNP ay nagpapakita na talagang seryoso ang gobyerno na tuluyan ng puksain ang illegal na operasyon ng POGO sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbubuwag sa mga POGO hubs.

Sabi ni Dy na matagal na panahon ng namayagpag at naghari-harian sa bansa ang mga Chinese nationals na nasa likod ng illegal POGO kaya nararapat lamang na tapusin na ng pamahalaan ang POGO na pinagmumulan ng iba’t-ibang kriminalidad.

Paliwanag ng kongresista na batay sa mga imbestigasyon pati na ang ginawang pagdinig ng House Quad Committee. Lumabas na ang ilang insidente ng krimen, kasama na ang mga kaso ng kidnapping, prostitution at illegal drugs ay naka-ugnay sa POGO.

Ayon din kay Dy, mula Enero 2024 hanggang Pebrero 2025 tinatayang 40 kaso ng kidnapping ang naitala ng PNP kung saan sampu dito ay mga Chinese national na dinukot ng mga kapwa nila Intsik na konektado parin sa illegal na operasyon ng POGO.

Dahil dito, sinabi pa ng House Deputy Majority Leader na dapat talagang papanagutin ang mga opisyal ng pamahalaan na nagsilbing daan upang makapasok at makapag-operate ang POGO sa Pilipinas sa kabila ng ito ay mahigpit ng ipinagbabawal sa ibang bansa.

Samantala, pinag-pugayan naman ni Dy ang mga pamilya mula sa bayan ng Echague, Isabela na nagsitapos sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos nitong ipahayag na: “Ang inyong pagsusumikap at dedikasyon ay isang malaking hakbang patungo sa mas maginhawa at matagumpay na buhay para sa inyong mga pamilya”.