Apo Vangelis

Masamang pananalita

332 Views

ANO ba iyan? Ang ating bise presidente, o tinatawag ng marami na Pangalawang Pangulo ng Republika ng Pilipinas, masama ang kanyang pananalita at asal sa harapan ng madla! Para siyang batang munti kung magsalita at kumilos.

Opo, tinutukoy po natin si Pangalawang Pangulong Sara Duterte, na kasalukuyan ay nakaluklok rin bilang Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon, o ang tinatawag na Department of Education.

Nakakahiya naman talaga ang kanyang pananalita at pagkilos nitong kamakailan lamang. Hindi siya magandang halimbawa sa kabataan.

Nagsimula ang kapansin-pansing di-magandang pananalita at pagkilos ni Sara Duterte nitong nakaraang ilang linggo, matapos magkaroon ng kaunting gusot sa mababang kapulungan ng Kongreso, o House of Representatives ng Kongreso ng Pilipinas, ang kanyang ninang sa larangan ng pulitika, si Gloria Macapagal-Arroyo, dating Pangulo ng Pilipinas, dating Speaker ng Kongreso, at kasalukuyang Kinatawan ng pangalawang distrito ng lalawigan ng Pampanga.

Ating maaalala na simula nuong nagwagi si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa halalan nitong nakaraang Mayo 2022, napagpasiyahan ng karamihan ng mga kasapi sa Kongreso na si Ferdinand Martin G. Romualdez ang siyang magiging “Speaker” o tagapamuno ng mababang kapulungan.

Si Ferdinand Martin G. Romualdez ay ang kasalukuyang Kinatawan ng unang distrito ng lalawigan ng Leyte.

Matatandaan din natin na nuong nakaraang Kongreso, sa taong 2019, tumakbo bilang Speaker si Ferdinand Martin G. Romualdez laban kina Allan Peter Cayetano at Lord Allan Velasco, mga kapwa niyang kinatawan sa Kongreso.

Sa dahilan na mahigpit ang labanan, namagitan si Pangulong Rodrigo Duterte at hiniling niya na magbigayan na lang ang mga magkakatunggali upang hindi mauwi sa pangmatagalang sama ng loob ang kanilang paligsahan.

Dahil sa pamamagitan ni Pangulong Duterte, napagpasiyahan na paghatian na lang nina Cayetano at ni Velasco ang posisyon ng Speaker. Kay Cayetano ang unang 18 buwan (Hulyo 2019 hanggang Disyembre 2020) at ang nalalabing 18 buwan ay kay Velasco (Enero 2021 hanggang Hunyo 2022).

Ano ang nangyari kay Kinatawang Ferdinand Martin G. Romualdez?

Hiniling ni Pangulong Duterte na pagbigyan na lang ni Ferdinand Martin G. Romualdez sina Cayetano at Velasco. Ayon kay Pangulong Digong, si Romualdez ang magiging kabise ng lapiang namumuno, o ang tinatawag na Majority Floor Leader. Sinabi rin ni Pangulo na si Romualdez ang kanyang napupusuang lahok niya sa halalan sa pagka-Pangalawang Pangulo sa Mayo 2022.

Pinakita ni Ferdinand Martin G. Romualdez ang kanyang kagandahang-loob, at tinanggap na lang niya ang alok sa kanya ni Pangulong Duterte. Naging Majority Floor Leader si Romualdez mula 2019 hanggang sa Hunyo 2022.

Sa dakong huli, hindi naging lahok ni Pangulong Duterte si Ferdinand Martin G. Romualdez sa pagka-pangalawang pangulo. Si Sara Duterte ang naging lahok.

Hindi ito ikinasamâ ng loob ni Ferdinand Martin G. Romualdez. Tumakbo siya muli bilang kinatawan ng Leyte at siya ay nagtagumpay tulad ng dati. Sa kanyang pagkakampanya sa Leyte, kinampanya rin ni Romualdez si Sara Duterte.

Matapos ang halalan ng 2022, napagpasiyahan ng maraming mga kongresista na panahon na upang maging Speaker si Ferdinand Martin G. Romualdez.

Dahil pinagbigyan niya sina Cayetano at Velasco nuong 2019, kapansin-pansin na si Ferdinand Martin G. Romualdez ay isang maginoo at mapagbigay na halimbawa ng isang kalugod-lugod at mabuting tagapaglingkod sa taong-bayan.

Bukod sa pagiging isang maginoo at mapagbigay na mambabatas, si Ferdinand Martin G. Romualdez ay kilala na nang marami dahil sa mga panukala niyang naisabatas sa Kongreso, na nakapagpaunlad ng kalagayan ng mga dukha at mga pangkaraniwang mga Pilipino.

Sa Leyte pa lang, kilala na ang pagmamalasakit ni Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga mamamayang nangangailangan ng tulong, hindi lang sa pamamagitan ng batas, at pati na rin sa pagkawanggawa sa mga taga-Leyte na madalas mapinsala ng bagyo at iba pang mga pangyayaring dulot ng kaikasan.

Nakatutulong rin na dahil pinsang-buo ni Ferdinand Martin G. Romualdez si Pangulong Bongbong Marcos Jr., hindi mahihirapan ang Kongreso, sa pamumuno ni Romualdez, na itaguyod ang mga mahahalagang mga panukalang kailangan sang-ayunan ng pangulo ayon sa saligang-batas.

Iyan ang ilan lang sa mga maraming mabuting katangian ni Ferdinand Martin G. Romualdez bilang isang matapat at masipag na lingkod ng bayan.

Kaya naman walang tutol ang mga kongresistang nahalal nitong 2022 na iluklok bilang Speaker ng House of Representatives si Ferdinand Martin G. Romualdez.

Matapos siyang ihahal bilang Speaker, kaagad-agad kumilos si Ferdinand Martin G. Romualdez sa kanyang pagpapastol ng maraming mga panukalang naging batas. Mula Hulyo 2022 hanggang buwan ng Mayo 2023, maraming mga batas na naisulong si Romualdez.

Ilan dito ay ang dagdag-tulong sa mga Pilipinong naglilingkod sa mga sasakyang-pandagat o seafarers; ang pagpapaikli ng antayan ukol sa mga transaksyon sa mga tanggapan ng pamahalaan; ang pagpapalaganap ng kalakal sa pamamagitan ng online o mga cellphone; ang pagtulong sa mga maliliit na kalakalang o negosyong nangangailangan ng puhunan; ang karagdagang-tulong sa mga kawani ng barangay na gumaganap bilang “health workers;” at ang walang-bayad na paglilingkod ng abogado sa mga alagad ng batas at sa mga kawal-Pilipinong nagtataya ng kanilang buhay upang umiral ang kapayapaan sa bayan at ipagtanggol ang ating bansa sa mga manlulupig.

Kaya naman kagulat-gulat ang nangyari sa pagitan nina Speaker Martin Romualdez at ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte nitong mga huling araw ng Mayo 2023. Ni Apo Vangelis