Masangsang na amoy itunuro bangkay ng mag-tiya

114 Views

NADISKUBRE ang dalawang naaagnas ng bangkay dahil sa masangsang na amoy ng magtiyahin na posible umanong namatay dahil sa heat stroke noong Miyerkules sa Quezon City.

Edad 72 ang tiyahin at 37 naman ang kanyang pamangkin, kapwa residente ng Brgy. Greater Lagro, Quezon City.

Lumilitaw sa imbestigasyon ni PSSg Runald Ceniza ng Quezon City Police District Station 16, dakong alas-10:00 ng gabi ng magtungo sa nasabing address ang kaopisina ng isa sa mga biktima.

Nabatid na ilang araw nang hindi pumapasok sa trabaho ang biktima kaya inutusan ang kaopisina na bisitahin ang una.

Makailang-ulit na kinatok ang bahay ng mga biktima pero walang sumasagot kaya napilitan itong humingi ng tulong sa mga opisyal ng Barangay Greater Lagro.

Sa pagpasok ni Vincent Andrew Tesoro at mga BPSO na sina Ramil Dacumos, Elenita Ganuelas, Ignacio Calilong at Alesandro Muyuela, masangsang na amoy ang bumulaga sa kanila kaya napilitan silang sirain ang bintana ng bahay.

Nakita ang isang bangkay na nakahiga sa sofa at wala ng buhay. Kasunod na dumating ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) team mula sa QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni PCpt John Agtarap.

Sa kanilang pagsisiyasat nadiskubre naman ang isa pang bangkay sa loob ng kuwarto nito.

Kapwa naaagnas na ang mga bangkay ng biktima. Sarado ang buong bahay at wala namang nawawala sa gamit ng mga biktima.

Ayon sa pulisya, posible umanong na heat stroke ang dahilan ng pagkamatay ng mga biktima.