Calendar

Matinding parusa vs fake news ipatupad — ‘Alyansa’ senatoriables
NANAWAGAN ang mga kandidato ng administrasyon sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na higpitan ang batas laban sa fake news, dahil sa lumalaking banta nito at masamang epekto sa publiko.
Sa isang press conference, ibinahagi nina dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, dating Interior Secretary Benhur Abalos at dating Senador Manny Pacquiao ang kanilang mga naging karanasan bilang biktima ng fake news, sabay giit na dapat may mas mabigat na parusa para sa mga nagpapakalat nito.
Ayon kay Sotto, kailangang ipagbawal nang mahigpit ang fake news at dapat parusahan ang mga nagpapakalat nito upang maiwasan ang panloloko at paninira online.
“Kailangang ipagbawal talaga ang fake news,” aniya, sabay banggit na kulang ang mga kasalukuyang batas, kabilang ang Anti-Cybercrime Law, pagdating sa pananagutan ng mga nagpapakalat ng maling impormasyon.
Idiniin din ni Sotto na mas madaling ma-trace ngayon ang mga online offender dahil sa SIM Registration Law.
“Traceable na lahat ngayon… Therefore, lagyan natin ng penalties ‘yung mga gumagawa nito. Isa, dalawa madala diyan, tignan mo ibang klase ang epekto,” dagdag niya.
Si Abalos naman ay nagkwento kung paano ginamit ng mga scammer ang kanyang pangalan at mukha para sa pekeng mobile load promos at election-related cash incentives.
“Ang daming tumawag sa akin… mukha ko, pangalan ko, ginaya talaga ‘yung Facebook account ko,” aniya.
Ibinunyag din niya na may kumalat na fake text blast noong araw ng eleksyon na nagsasabing namimigay siya ng P5,000 kapalit ng boto.
Dahil dito, iginiit ni Abalos na dapat dagdagan ang pondo ng Philippine National Police (PNP) upang mapalakas ang kanilang cybercrime investigations.
“Dapat siguro dagdagan ng budget ang PNP para dito dahil kakaiba ito. This is technology, para ma-trace sila nang maigi,” aniya.
Si Pacquiao naman ay ilang beses nang napabalitang “patay” sa mga pekeng balita sa social media.
“Nabasa ko ‘yong sarili ko. Pagbukas ko ng Facebook, nakita ko doon: ‘Paalam, Manny Pacquiao.’ Namatay na raw ako,” pagbibiro niya.
Nagbabala rin siya sa publiko laban sa mga scammer na gumagamit ng kanyang pangalan para manghingi ng pera, sabay linaw na hindi siya nagpapadala ng ibang tao para mamigay ng ayuda.
“Kung ako mamimigay, ako mismo magbibigay, hindi ibang tao. Kung may ko-contact sa inyo na bibigyan kayo ng pera, ‘wag po kayong maniwala. Unless ako ang makausap niyo sa personal,” diin niya.
Samantala, nangako si Pacquiao na isusulong ang mas matinding batas laban sa online disinformation at fraud upang mapanagot ang mga nasa likod ng ganitong panloloko.