Hataman

Matinding power outage sa Basilan pina-iimbestigahan

Mar Rodriguez Aug 4, 2023
223 Views

INIHAIN ni House Deputy Minority Leader at Basilan Lone Dist. Congressman Mujiv Hataman ang kaniyang House Resolution para magkaroon ng masusing imbestigasyon ang Kamara de Representantes patungkol sa nangyayaring power outage na labis na nakaka-apekto sa mga residente ng nasabing lalawigan.

Isinulong ni Hataman ang House Resolution No. 1157 para magkaroon ng masusing pagbusisi at silipin ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang operasyon ng Basilan Electric Cooperative (BASELCO) kung saan, ayon sa mambabatas ang prangkisa nito ay nakatakdang mapaso o mag-expire sa taong 2028.

Sinabi ni Hataman na ang labis na nape-perwisyo ng paumat-umat o patigil tigil na brownout sa kanilang lalawigan ay ang mga ospital, dialysis centers, birthing clinics o paanakan at iba pang kahalintulad nitong health institutions. Sapagkat nauudlot umano ang ibinibigay nilang serbisyo para sa kanilang mga pasyente.

“Imagine, the operations of hospitals, dialysis centers, birthing clinics and other health institutions in a situation where almost every two to three hours, there is power failure. Isa lamang ito sa mag halimbawa ng malaking epekto ng power sa aming lalawigan na nakaka-apekto sa aming mga kababayan sa Basilan,” ayon kay Hataman.

Ipinabatid pa ng Mindanao solon na alinsunod sa “compliance report ng BASELCO sa unang quarter ng 2022, nakararanas ang mga electric o power consumers nito ng 90.7 beses na power outage kada taon.

Pati turismo apektado

Binigyang diin naman ng Chairman ng House Committee on Tourism na si Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy”F. Madrona na bunsod din ng power outage sa Basilan hindi malayong isa-isang maglayasan sa Basilan ang mga negosyante.

Ayon kay Madrona, hindi lamang ang mga negosyo ang maapektuhan sa Basilan kundi maging ang turismo ng lalawigan na nauna ng sinabi ni Tourism Sec. Christina Garcia Frasco na sisikapin nilang buhayin at muling pasiglahin sa tulong ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan.

Ipinaliwanag ni Madrona na kung ganito ang sitwasyon ng power supply sa Basilan tila mahihirapan ang Tourism Department na makahikayat ng mga dayuhan at lokal na turista para magtungo o bumisita sa Basilan. Pinuna niya na maraming magagandang beaches ang lalawigan kabilang na dito ang Malamawi beach.

Kaya naman sinasang-ayunan at sinusuportahan ng kongresista ang inihaing resolution ni Hataman para magkaroon ng masusing imbestigasyon ang Kongreso patungkol sa matinding problema ng power outage sa lalawigan ng Basilan.

Idinagdag pa ni Madrona na nagdudulot ng tinatawag na “domino effect” ang problema ng brownout sa Basilan kaya dapat lamang na mabigyan ito ng solusyon sa lalong madaling panahon.