Boga

May boga, droga na-korner ng mga parak

Edd Reyes Mar 28, 2025
28 Views

TIMBOG dahil sa pagbebenta ng armas ang lalaki sa entrapment ng mga pulis noong Miyerkules sa Paranaque City at nadiskubre din ang mahigit P200,000 na halaga ng shabu na dala ng suspek.

Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) District Director P/BGen. Manuel Abrugena laban kay alyas Edmond dakong alas-5:30 ng hapon sa isang gasoline station sa Baclaran.

Natiklo ang suspek dahil sa natanggap na impormasyon ng District Special Operations Unit (DSOU) ng SPD kaugnay sa ilegal na transaksiyon ng suspek sa Paranaque City at mga karatig lungsod.

Isang kalibre .38 na pistol na may kargang limang bala at isang kalibre .22 magnum revolver ang nakumpiska ng pulisya sa suspek.

Nang kapkapan ng mga pulis, nabisto sa kanang bulsa ng suspek ang 30 gramo ng shabu na may halagang P204,000.

Paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), Omnibus Election Code at Comprehensive Dangerous Drug Act ang isasampa ng mga pulis sa suspek sa Parañaque City Prosecutor’s Office.