Lacuna

Mayor Honey dumalo sa ika-21 anibersaryo ng Manila Fire District

Edd Reyes Aug 9, 2022
207 Views

DUMALO bilang panauhing pandangal si Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan sa ika-121-taong anibersaryo ng Manila Fire District na ginanap sa Manila Hotel, Lunes ng gabi.

Kasama ni Mayor Honey Lacuna sa pagdalo sa naturang okasyon sina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. at Bureau of Fire Chief F/Director Louie Puracan, CEO VI.

Sa pagsisimula ng seremonya, ibinahagi ni Manila Fire District Director Senior Supt. Crossbee Gumowang ang kasaysayan ng Manila Fire District na aniya ay itinayo noong Agosto 7, 1901 sa panahon pa ng pananakop sa bansa ng Estados Unidos.

Aniya, nang binuo ng US-Philippine Commission ang noon ay Manila Fire Department, isa lamang itong bahagi ng Department of Streets, Parks and Sanitation bagama’t kalaunan ay naging isang organisasyon na hiwalay sa ibang departamento.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Gumowang na ang Manila Fire District ay mayroon ng 407 na bilang ng mga bumbero, lalaki at babae, na rumeresponde sa nagaganap na isa hanggang tatlong sunog araw-araw.

Sa kanya namang pagsasalita bilang panauhing pandangal, labis ang ginawang pagpapahalaga ni Mayor Honey sa mga sakripisyo ng mga bumbero na isinusuong ang kanilang buhay para sa pag-apula ng apoy sa mga nagaganap na sunog.

“No noble thing can be done without risks, and you are always willing to take the risk, there are times, you are even [making] the ultimate sacrifice in order to save others,” pahayag pa ng alkalde.

“We in the city government of Manila are truly grateful [for] all your noble contribution; your help goes beyond a firefighter,” dugtong pa niya.

Sa naturang okasyon, ibinahagi rin ni Gumowang ang kanilang mga plano para sa Manila Fire District, kabilang na rito ang pagbili ng mga makabagong gamit para sa lalo pang mahusay na serbisyo sa pagkakaloob ng proteksiyon sa mamamayan laban sa sunog at ang pagpapatibay ng kanilang online frontline service.