Calendar
Mayor Honey humingi ng paumanhin sa tambak na basura
HUMINGI ng paumanhin si Manila Mayor Honey Lacuna sa bawa’t isang Manilenyo sa nangyaring malaking problema hinggil sa tambak at namamahong basura sa lungsod.
“Huwag ho kayong mag-alala, sisikapin po natin na tugunan ang problemang ito sa pinakamabilis na panahon at sisiguraduhin po natin na magbabalik sa normal ang ating paghahakot ng basura,” pagtiyak ng alkalde sa kanyang maikling talumpati sa unang Lunes ng pagbibigay-pugay sa watawat para sa taong 2025 na ginanap sa Kartilya ng Katipunan.
“Ang akin lang pong hiling ay ang inyong ibayong pangunawa at pakikisama nang sa gayon, sa lalung mabilis na panahon, ay matapos natin ang problemang ito,” dagdag pa ng alkalde.
Tiniyak din ni Mayor Lacuna na hindi niya pababayaan ang bawa’t isang pamilyang Manilenyo lalu’t palagi aniya niyang sinasabi na kapag ang bawa’t isa ay magsasama-sama, walang imposible.
Nagpasalamat din siya sa nakaraang taon at kumpiyansa aniya siya na lalu pang magiging maganda ang pagpasok ng taong 2025.