Honey Magkatuwang sina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto sa pamamahagi ng tulong pinansyal at relief packs sa mga nasunugan sa Sta. Cruz, malapit sa Central Market na umabot sa ikalimang alarma.

Mayor Honey, VM Yul Servo, namahagi  ng ayuda sa mga nasunugan

Edd Reyes Aug 6, 2022
250 Views

PINANGUNAHAN nina Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto ang pamamahagi ng pinansiyal na tulong sa bawat pamilyang naapektuhan ng malaking sunog sa Sta. Cruz, Sabado ng umaga, Agosto 6, 2022.

May kabuuang 382 na pamilya na nawalan ng tirahan sa naganap na sunog na tumupok sa mga kabahayan sa likurang bahagi ng Central Market, malapit sa Fabella Hospital, sa Sta. Cruz nakaraang Agosto 2, 2022 ang nakatanggap ng tig-P10,000.

Bukod kay Mayor Honey at Vice Mayor Yul Servo, lumahok din sa pamamahagi ng tulong pinansiyal si Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Asuncion “Re” Fugoso upang mapabilis ang pagkakaloob ng salapi.

Ang mga apektadong pamilya ay tumatanggap din ng libreng almusal, tanghalian, at hapunan araw-araw sa loob ng isang linggo, ayon ay Fugoso, namahagi rin nitong Sabado sina Mayor Honey at Vice Mayor Yul Servo ng food boxes sa bawat pamilya.

“Napakalaking tulong na po ito sa katulad naming naabo ang lahat ng gamit at wala ano mang natira. Magandang panimula na po ito para makabili kami ng gamit sa pagtatayong muli ng aming tirahan,” ayon sa isang babaeng senior citizen na hindi mapigil ang pagluha habang taos-pusong nagpapasalamat kina Mayor Honey at Vice Mayor Yul Servo.

Sinabi ni Fugoso na ang mga apektadong pamilya ay pansamantala ngayong nanunuluyan sa covered courts ng Barangay 311 at 355 kung saan sila inaasikaso ng mga kawani ng MDSW.