Isko Mga larawan ni Jon-Jon Reyes

Mayor Isko sa DPWH: Emergency stop logs ilagay sa Paco Pumping Station

Edd Reyes Dec 10, 2025
123 Views
Isko1
Mga larawan ni Jon-Jon Reyes

HINIKAYAT ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na tuparin ang pangakong paglalagay ng “emergency stop logs” sa nasirang Paco Pumping Station sa loob ng dalawang linggo upang maibsan ang pagdurusa ng mga residente sa lugar na binabaha tuwing high tide.

Nitong Miyerkules ng umaga ay ininspeksyon nina Mayor Domagoso at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Atty. Don Artes ang nasirang pumping station at dito sinabi ng alkalde na dapat ay isagawa ng maayos ng DPWH ang kanilang trabaho lalu na’t hindi nito natupad ang pangakong makukumpuni ang nasirang floodgate sa loob ng tatlong linggo matapos masira noong buwan ng Nobyembre dahil sa bagyong Uwan.

Sa binagong timeline ng DPWH, apat na steel stop logs ang kanilang ilalagay sa loob ng dalawang linggo bilang harang sa pagtaas ng tubig sa Pasig River upang hindi bumaha sa lugar habang patuloy ang permanenteng pagkukumpuni na matatapos ng Marso ng susunod na taon.

Maging si Chairman Artes ay sinangayunan ang naging puna ng alkalde hinggil sa patuloy na pagdurusa ng mga residente sa distrito ng Paco dahil sa pagbaha sa kanilang tahanan at lansangan mula Disyembre 1 hanggang sa kasalukuyan bunga ng pagkabigo ng DPWH na tupain ang pangakong tatlong linggong pagkukumpui ng floodgate.

Nauna rito’y nagsagawa muna ng inspeksiyon si Chairman Artes, kasama sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon at Las Piñas City Mayor April Aguilar sa ginawang rehabilitasyon ng Tartar Creek sa Brgy. Pamplona Tres at Brgy. Talon Dos sa Las Piñas City sa ilalim ng Bayanihan sa Estero program.

Ang sama-samang pagsisikap ay bahagi ng inisyatiba ng MMDA bilang tugon sa socioeconomic agenda ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na layong alisin ang sagabal sa mga daluyan ng tubig bilang hakbang para maibsan ang pagbaha sa Metro Manila.