Calendar

Mayor Lacuna: Salamat sa mga nagtiwala, tumulong, sumama, nakiisa
MADAMDAMIN ang ginawang paghahayag ng pagtanggap sa kanyang pagkatalo ni Manila Mayor Honey Lacuna na kanyang isinapubliko sa kanyang opisyal na Facebook account Martes ng hapon.
Sa kanyang panimulang pahayag, sinabi ng alkalde na natapos na ang isang yugto ng demokrasya ng halalan kung saan nagkaroon ang mamamayan ng pantay-pantay na kapangyarihang pumili kung sino ang nais na mamuno sa lungsod sa susunod na tatlong taon.
Taos-puso niyang pinasalamatan ang lahat ng aniya ay mga nagtiwala, tumulong, sumama, nakiisa at nakibahagi sa kanyang paninindigan, pati na rin sa mga naglaan ng panahon, sa mga nag-alay ng kanilang lakas, talino at kakayahan sa pagsama sa kanyang kampanya.
“Buong kababaang loob nating tinatanggap ang kapasiyahan ng higit na nakararami sa atin. Maraming salamat sa pagbibigay ninyo ng pagkakataon na ako’y maging kaunaunahang babaing Punong Lungsod sa kasaysayan ng Maynila, Buong pagpapakumbaba kong ipinagkakapuri ang malaking karangalan na ipinagkaloob ninyo sa akin, mula noon at magpahanggang ngayon ay taas noo nating iniaalay ang tapat at totoong serbisyo sa mga mamamayang Manilenyo,” bahagi ng pahayag ni Mayor Lacuna,
Sabi pa niya, habambuhay niyang ihahandog sa mamamayan ang pagmamahal ng isang ina at kalinga ng isang doktora.
“Sa Diyos natin ibigay ang kapurihan at karangalan dahil sa kanya nagmumula ang pinakamagandang plano para sa bawa’t isa. Patuloy nating gawing makabuluhan ang bawa’t hakbang sa paglalakbay natin sa mabiyayang buhay. Ang pagmamahal ninyo at pagtitiwala sa pamilyang Lacuna, magmula pa sa aking ama na si Danny Lacuna ay hinding hindi ko malilimutan, magpakailanman,” sabi pa ng alkalde.
Tinapos niya ang kanyang pahayag sa pamamagitan ng muling pagsasabi na mahal niya ang lahat ng mga kapuwa niya Manilenyo at nais niyang pagpalain ang lahat ng Panginoong Maykapal.