Calendar

Mayor Lacuna sisimulan ang kampanya sa gagawing proclamation rally sa Biyernes
SISIMULAN ni Manila Mayor Honey Lacuna, kasama ang buong tiket ng lokal na partidong pulitikal na Asenso Manileño, ang pangangampanya sa pamamagitan ng proclamation rally sa harap ng Loreto Church sa Sampaloc, Manila, Biyernes ng hapon.
Ayon kay dating 6th District Councilor Atty. Princess Abante na ngayon ay pinuno ng Manila Public Information Office (MPIO) at opisyal na tagapagsalita ni Mayor Lacuna, noon pa man na pumasok sa pulitika si Mayor Lacuna bilang konsehal ng Fourth District sa tatlong termino ay lagi niyang sinisimulan ang pangangampanya sa kanyang baluwarte sa harap ng naturang simbahan.
Inaasahang dadagsain ng libo-libo katao ang isasagawang proclamation rally ng Asenso Manileño na sisimulan ng alas-6 ng gabi kaya’t maagang naglatag ng pamamaraan ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) at Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), katuwang ang mga opisyal ng barangay sa lugar upang hindi lumikha ng mabigat na daloy ng trapiko.
Naghahanda na rin ang mga tauhan ni MPD District Director Arnold Thomas Ibay sa paglalatag ng seguridad sa paligid ng simbahan upang maiwasan ang anumang kaguluhan na maaaring likhain sa sobrang dami ng mga dadalo.
Matapos ang proclamation rally, sinabi ni Atty. Abante na mas nanaisin nila ang pamamaraan ng pangangampanya sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay, pakikipag-pulong, pakikipag-ugnayan, at bukas na diskusyon sa bawa’t barangay.
Inaasahang iisa-isahin ni Mayor Lacuna sa kanyang pakikipag-ugnayan sa bawa’t barangay ang kanyang mga napagtagumpayan sa loob ng tatlong taong pamumuno, kabilang ang pagsasa-ayos ng mga iniwan umanong problema sa Maynila ng dating administrasyon, pagtataas ng pensiyon ng mga senior citizen, unti-unting pagbabayad sa malaking pagkaka-utang, rent-to-own sa mga pabahay at iba pa.