Mayor Along

Mayor ng Caloocan binuksan Caloocan Connect para sa mga estudyante, empleyado

Edd Reyes Apr 24, 2026
25 Views

MAY pwesto na ang mga estudyante, researchers at empleyado sa Caloocan City sa ika-5 palapag ng Caloocan City Hall-South na may libreng wifi, printing services at meryenda maliban pa sa inilaang lugar na pwedeng gamitin para sa pagpupulong.

Pinangunahan ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang pagpapasinaya sa lugar na tinawag na “Caloocan Connect.”

“Binuksan po natin ang Caloocan Connect dahil batid ko po na maraming mga Batang Kankaloo mula sa mga estudyante, mga guro at maging mga empleyado ang nauubusan na ng espasyo sa mga mall at coffee shop para matapos ang mga kailangan nilang gawin para sa trabaho o eskwela.

Direktang tulong po natin ito para sa kanilang lahat upang lalo pa silang ma-engganyo na pagbutihan ang pag-aaral at hindi na mangamba na baka walang ligtas at angkop na lugar para sa kanilang mga gawain,” dagdag ng mayor.

Umaasa ang alkalde na mapapanatili ng mga magtutungo sa lugar ang respeto at wastong asal sa loob ng Caloocan Connect para na rin sa kapakanan ng mga gumagamit nito.

“Paalala lang po, sana ay panatilihin natin ang katahimikan, kaayusan, at kalinisan sa loob ng Caloocan Connect upang matiwasay na makapag-aral or makapag-trabaho ang lahat,” ani Mayor Along.

Bukas ang Caloocan Connect mula Lunes hanggang Huwebes mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-6:00 pero dapat may valid ID ang mga gagamit.