sara

Mayor Sara may tibay ng puso para gumawa ng mahihirap na desisyon

227 Views

HINDI man siya ang pinakamatalino at pinakamagaling na kandidato sa pagkabise presidente, sinabi ni Davao City Mayor Sara Duterte na siya ay mayroong tibay ng puso para gumawa ng mahihirap na desisyon.

“Ako po si Sara Duterte. Hindi ako ang pinakamatalino at pinakamagaling na kandidato. Pero walang makakatalo sa akin sa tibay ng puso ko lalo na sa paggawa ng mga mahihirap na desisyon para sa aking trabaho at para sa bayan,” sabi ni Duterte.

Kapag naging bise presidente, sinabi ni Duterte na tututukan nito ang mga programa upang makalikha ng mapapasukang trabaho, pagpapataas ng kalidad ng edukasyon at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.

Ipagpapatuloy din umano ni Duterte ang mga programa ng kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte gaya ng Build, Build, Build program.

“Nangampanya kami ng kapayapaan. Sinasabi namin na itutuloy namin ang mga ‘Build, Build, Build’ projects ni Pangulong Duterte tulad ng mga infrastructure projects na nagdadala ng peace and development sa mga lugar kung saan sila ginagawa. Itutuloy ko rin ang programa kontra kriminalidad ng administrasyon ni Pangulong Duterte,” dagdag pa ni Duterte.

Nagpasalamat si Duterte sa mga sumusuporta sa kanya, sa running mate nitong si presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at mga senatorial candidates ng UniTeam.