Sara

Mayor Sara pabor sa special session kaugnay ng mataas na presyo ng langis

283 Views

PABOR si UniTeam vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte na magpatawag ng special session upang makatulong ang Kongreso sa paghahanap ng solusyon sa mataas na presyo ng produktong petrolyo.

Sinabi ni Mayor Sara na ginawa nito ang apela bilang isang Filipino citizen at hindi bilang anak ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Batid umano ni Mayor Sara na nagpupulong ang mga opisyal ng Ehekutibo upang matugunan ang epekto ng mataas na presyo ng langis.

“But of course, since it is a very big problem for us, dahil nga tumataas ‘yung presyo ng oil sa buong mundo ngayon at siguro tulungan din ng Kongreso, both the Senate and the House of Representatives ang Executive department sa pag-iisip kung ano pa ba ang dapat magawa ng gobyerno para sa ating mga kababayan,” sabi ni Mayor Sara.

Tanging si Pangulong Duterte lamang ang may kapangyarihan upang ipatawag ang Kongreso sa special session para magpasa ng kinakailangang batas kung walang sesyon.

Ang sesyon ng Kongreso ay magbabalik pagkatapos ng halalan sa Mayo.