Calendar

Medalya sa 8 parak na humuli sa namaril isinabit ng PNP chief
PINARANGALAN ni Philippine National Police (PNP) chief General Rommel Francisco D. Marbil ang walong miyembro ng Antipolo City police sa paghuli sa armadong suspek na sangkot sa road rage shooting noong Linggo.
Isinabit ng hepe ng PNP ang Medalya ng Kagalingan kina Lieutenant Orlando Jalmasco, Police Chief Master Sergeant Ranel Cruz, Police Corporals Kaveen John Vea, Joeban Abendaño at Niño Chavez at Patrolmen Reylan Rivarez, Michael Keith Panganiban at John Mark Manahan dahil sa pagganap ng tungkulin.
Nag-ugat ang parangal mula sa insidente noong Linggo kung saan nauwi sa pamamaril ang away sa kalsada na ikinasugat ng apat na tao.
Sinubukan ng suspek na tumakas ngunit naharang ng mga pulis-Antipolo. Narekober ang isang baril at iba pang ebidensya mula sa suspek.
Kinilala lamang sa alyas na Kenneth ang suspek na tumakas sakay ng kanyang itim na Toyota Fortuner (DAN 7421) matapos ang pamamaril.
Naganap ang insidente sa tapat ng Café Sinauna sa Sitio Calumpang, Brgy. San Jose, Antipolo City bandang alas-5:00 ng hapon.
Nasugatan sa pamamaril sina alyas Peter, 52; 22; at Davis Menor, 29; at ang live-in partner ng akusado na tinamaan ng bala sa paa.
Ang matandang Guzon nabaril sa ulo habang ang batang Guzon nahagip ng bala sa kanang braso.
Si Menor tinamaan sa dibdib.
Ang matandang Guzon ginagamot sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina City habang si Menor nasa recovery stage pa.
Ang isa pang Guzon at ang live-in partner ng suspect na-discharge na pagkatapos gamutin.
Sinabi ng akusado na napilitan siyang paputukan ang mga Guzons na umatake sa kanya matapos ang kanilang mainit na sagutan dahil sa gitgitan ng sasakyan.
Sa awarding ceremony, pinuri ni Gen. Marbil ang mga pulis dahil sa kanilang mabilis at matapang na aksyon.