Madrona

Mga dayuhang turista lalong dadagsa sa Pilipinas — Committee on Tourism

Mar Rodriguez May 9, 2023
201 Views

OPTIMISTIKO ang House Committee on Tourism na aarangkada na ng husto ang turismo ng Pilipinas kasunod ng pagtanggal ng World Health Organization (WHO) sa COVID-19 bilang “global health emergency declaration” dahil mas lalong dadagsa sa bansa ang mga dayuhang turista.

Sinabi ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng Tourism Committee, na makakatulong ng malaki para sa sektor ng turismo ang naging deklarasyon ng WHO sapagkat mas magiging kampante na ang mga dayuhan na bumisita sa Pilipinas.

Dahil dito, naniniwala ang mambabatas na ang pagdagsa ng mga dayhang turista sa bansa ay inaasahang magdudulot din ng domino effect hindi lamang sa larangan ng turismo bagkos maging sa ekonomiya ng Pilipinas dahil maging ang mga resort owners ay tiyak na magkakaroon ng ganansiya.

Ayon kay Madrona, ang hakbang ng WHO ay nagpapatunay lamang na napagtagumpayan na ng mga bansa sa buong mundo kabilang na ang Pilipinas sa paglaban nito sa COVID-19 pandemic na nagdulot ng matinding epekto hindi lamang sa kalusugan ng mga mamamayan kundi maging sa ekonomiya.

Binigyang diin ng kongresista na dahil wala ng “restrictions” inaasahan na mas makakagalaw ang publiko at mga dayuhang nagnanais magpunta sa Pilipinas kasunod ng unti-unting pagbangon ng ekonomiya ng bansa na magbibigay daan din para muling makabangon ang Philippine tourism.

Kaugnay nito, ipinahayag nina Madrona at House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Congressman Faustino “Inno” A. Dy V ang kanilang kolektibong suporta para kay Department of Tourism (DOT) Sec. Maria Christina Garcia Frasco batay sa inihain nilang resolusyon sa Kongreso.

Sa ilalim ng House Resolution No. 810, ipinaabot nina Madrona ay Dy ang kanilang buong suporta para kay Frasco dahil sa mahusay na pamamalakad nito sa Tourism Department at sa hindi makakatawarang serbisyo na iniuukol ng Kalihim para pasiglahin ang turismo ng bansa.

Sinabi ni Dy na mula ng maupo si Fraso sa DOT kasunod ng pagkakaluklok kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. bilang ika-17 Pangulo ng bansa. Sumikad ng husto aniya ang turismo ng Pilipinas. Kung saan, umabot sa 1.7 million dayuhan ang dumating sa bansa.

Naniniwala si Dy na matapos ang naging deklarasyon ng WHO. Inaasahan na mas lalong madadagdagan aniya ang bilang ng mga dayuhang turista na magtutungo sa Pilipinas hindi lamang sa larangan ng pagnenegosyo kundi para magtungo sa iba’t-ibang tourist destination sa bansa.