Lacson

Mga lolo at lola di maiiwan sa lipunan

294 Views

HINDI katumbas ng pagtanda ang kawalan ng ambag para sa pagpapunlad ng sarili at ng komunidad dahil anuman ang edad ay kaya pa ring magbigay ng kontribusyon tungo sa pagbabagong inaasam ng lahat.

Ito ang paninindigan ni presidential canidate Panfilo ‘Ping’ Lacson kaya naman mariin niyang tinututulan ang mga polisiya, partikular ng ilang institusyong pampinasyal na maituturing na diskriminasyon para sa mga senior citizen.

Natalakay ang isyung ito nang dumulog ang isang 66-anyos na ginang kay Lacson. Nangangamba siya na sa pagsapit niya ng edad na 70 ay mawawalan na aniya siya ng mga benepisyo mula sa isang microfinance association na kanyang kinabibilangan.

“Masyadong discriminatory. Bakit ‘pag 70 years old ka automatically hindi ka na productive? Wala ka nang silbi?… Ina-assume nila pagdating mong 70-anyos baka wala ka nang capacity, wherewithal na magbayad sa inyong microfinance. Mali po ‘yon.” saad ni Lacson.

Ipinaabot ng naturang senior citizen ang kanyang problema nang dumalo siya sa pulong ni Lacson na ginanap sa Ynares Center sa Antipolo City, Rizal noong Biyernes (Abril 22), kasama ng kanyang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III at kanilang mga senatorial candidate.

Para kay Lacson, hindi dapat mangingibabaw edad sa mga polisiya ng ilang institusyon, lalo kung kaya pa naman mag-ambag ng tao. “Dapat tingnan natin ‘yung kakayahan ng tao. Maski 80 years old at productive pa rin dapat huwag nating i-discriminate,” dagdag pa ng presidential aspirant.

Ayon sa ginang, kasapi siya sa isang microfinance institution na nagpapautang at nagbibigay ng iba pang serbisyong pinansyal sa mga katulad niya. Gayunman, sa kanila umanong kontrata ay nakasaad na pagsapit ng edad na 70 ay hindi na siya makakautang ng pera, ngunit mananatili siyang miyembro at makakapag-impok pa rin.

Sinabi nina Lacson at Sotto na pag-aaralan nila ang sitwasyon ng ginang, alinsunod sa kanilang tungkulin bilang mga kasalukuyang senador, upang matulungan siya sa kanyang sitwasyon. Sisiyasatin umano nila ang mga batas na namamahala sa mga microfinance sa ilalim ng pangangasiwa ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

“Maski ngayong senador pa lang kami bibisitahin po namin ‘yang regulasyon na ‘yan o batas na ‘yan kung ito ba’y Central Bank regulation o kung ano man siyang regulasyon (na) dapat i-revisit,” sabi ni Lacson.

Ayon kay Lacson, sa ilalim ng kanyang pamumuno ay isusulong niya ang mga polisiyang lulutas sa mga diskriminasyong nararanasan ng matatanda, hindi lamang sa pagpasok sa mga trabaho, ngunit maging sa iba pang aspekto na nakaaapekto sa kalidad ng kanilang pamumuhay.

“Dapat wala tayong dini-discriminate. Mali po ‘yang ganyang patakaran. Tingnan natin po ‘yung capacity, ‘yung productivity, ‘yung pagiging may kakayahan ‘nung tao huwag ‘yung edad,” pagbibigay-diin pa ni Lacson.

Parehong 73-anyos na sina Lacson at Sotto, ngunit nasa magandang kondisyon pa rin ang kanilang pag-iisip at pangangatawan dahil sa kanilang malusog at aktibong pamumuhay. Binanggit pa ng presidential candidate na base sa kanyang huling check-up ay sinabi ng kanyang doktor na ang body age niya ay 51-taong gulang o mas bata ng 20 taon.