FAKE

Mga nagkalat na pekeng survey sa Tondo binatikos ni Valeriano

Mar Rodriguez Mar 20, 2025
23 Views

BINATIKOS ni Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano ang mga naglipanang pekeng survey sa Tondo na ipinapakalat umano ng kaniyang mga kalaban kung saan wala itong pagkakakilanlan at hindi awtorisado ng Commission on Elections (COMELEC).

Binigyang diin ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na itinuturing nito na isang desperadong hakbang ang pagpapakalat ng kaniyang mga kalaban ng mga pekeng survey para ikondisyon ang isip ng kaniyang mga kababayan.

Gayunman, winika ni Valeriano na hindi naman pinapatulan at hindi kinakagat ng kaniyang mga kababayan ang pino-post na pekeng survey sa social media dahil sila ay naniniwala na ito ay sadyang pakana lamang ng grupong nais siyang pabagsakin.

“Nakakatawa talaga itong grupo ng kalaban namin. Napo-post sila ng pekeng survey sa social media pero wala naman naniniwala sa kanila dahil sa malaking tiwala sa akin ng ating mga kababayan, tingnan natin kung ano ang masasabi ng COMELEC dito,” ani Valeriano.

Kumpiyansa naman ang kongresista na sa kabila ng mga panggigiba at pangdudurog na ginagawa ng kaniyang mga kalaban ay hindi parin sila magtatagumpay bunsod ng malaking tiwala sa kaniya ng nakaparaming residente ng Distrito Dos.

“No amount of survey can erase or overshadow our longstanding record of genuine public service for the people of Manila. Ang hirap kasi sa mga taong ito, nagpapakita lamang sila kapag malapit na ang eleksiyon. Naniniwala ako na hindi sila magtatagumpay,” sabi pa nito.

Ibinida din ni Valeriano ang kaniyang mga naging achievements kabilang dito ang konstruksiyon ng bagong Police Community Precincts (PCP) sa buong District 2, pagpapatayo ng bagong Super Health Centers, konstruksiyon ng Unibersidad de Manila Tondo Campus, pagpopondo para sa konstruksiyon ng Ospital ng Tondo, Botika sa Dos na nagbibigay ng mga libreng gamot, Mobile Medical Bus at scholarship para sa libo-libong mag-aaral.