Calendar

Mga opisyal ng Luzon, Metro todo suporta kay Erwin Tulfo, Alyansa
ILANG araw na lang bago ang May 12 Elections, todo na ang suporta ng mga local chief executives mula sa iba’t-ibang lalawigan sa Luzon at Metro Manila kay LAKAS-CMD senatorial candidate Erwin Tulfo at sa mga kasamahan nito sa Alyansa para sa Bagong Pilipinas slate.
Una nang nagpahayag ng kanilang suporta ang mga lider ng tinaguring “Solid North” mula sa Ilocos Region ang La Union, Abra, Benguet, at Pangasinan nang dumalaw si Tulfo sa mga nasabing lugar nitong nagdaang buwan.
Nakuha din ng numero unong pambato ng Alyansa at mga kasamahan nito ang suporta mula sa mga lider ng Camarines Sur at Albay nang mangampanya ang grupo doon.
At noong nakaraang Abril lamang, inendorso naman ni Vice Governor Lilia Pineda ng Pampanga si Tulfo at iba pang miyembro ng Alyansa, sa kanyang mga kababayan.
Sa pagtungo naman ng Alyansa sa Cavite, Quezon province, at Batangas, inendorso ng mga lider ng nasabing mga lalawigan ang buong Alyansa slate sa pangunguna ni Cong. Tulfo.
Nakuha rin ng ACT-CIS Congressman ang suporta ng mga mayors ng Metro Manila tulad nila Joy Belmonte ng Quezon City, Francis Zamora ng San Juan, at Imelda Aguilar ng Las Piñas, at ilan pang alkalde sa National Capital Region.
Noong Miyerkules ng gabi, si Bulacan Gov. Daniel Fernando naman ang nangakong susuportahan si Tulfo at ang alyansa nang magsagawa ang grupo ng rally sa probinsya.
Labis-labis naman ang pasasalamat ni Cong. Tulfo sa mga governors at mayors ng Luzon at Metro Manila sa kanilang suporta.
“Maraming, maraming salamat po sa inyong lahat. Bukas po ang magiging tanggapan ko sa Senado sa lahat” ani ng senatorial candidate.
Base sa tala ng Commission on Elections (COMELEC), mayroong 38 million na rehistradong botante ang buong Luzon para sa darating na 2025 elections, mas mataas sa 36.6 million na naitala ng Komisyon 2022.