Madrona

Mga panukala na nakasalang sa House Committee on Tourism sinikap tapusin bago nagsimula ang budget deliberation ng Kongreso

Mar Rodriguez Aug 12, 2023
142 Views

DAHIL nagsimula ng umarangkada ang deliberation ng Kamara de Representantes para sa 2024 proposed national budget. Sinikap tapusin ng House Committee on Tourism ang pagtalakay sa mga nakasalang na panukalang batas na naglalayong maisulong o maideklara bilang tourist destination ang iba’t-ibang lugar sa bansa na malaki ang magiging kontribusyon sa ekonomiya ng Pilipinas.

Ito ang nabatid ng People’s Taliba kay Romblon Lone Dist. Congressman Eleanro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng Committee on Tourism, na sinikap nilang tapusin ang mahigit sa tatlong pung (30) panukalang batas na nakasalang sa Komite para hindi na sila matambakan ng iba pang panukala na kasalukuyang naka-pending at babalikan na lamang nila sa susunod ng pagdinig.

Sinabi ni Madrona na kaya nila tinapos ang tatlong pung (30) panukala sa nakalipas na pagdinig ng House Committee on Tourism (August 9, 2023) ay dahil nag-umpisa na aniya ang budget deliberation sa Kamara de Representantes at nakatakda naman sumalang sa susunod na budget hearing ang Department of Tourism (DOT) para depensahan ang budget nito para sa susunod na taon.

Kabilang sa mga panukalang batas na tinalakay ng Committee on Tourism ay ang House Bill No. 6902 na inakda ni La Union Congressman Francisco Paolo P. Ortega V para maideklara bilang “surfing capital of the North” ang Munisipalidad ng San Juan. Kasama na dito ang paglalaan ng pondo ng pamahalaan upang ito’y maisakatuparan.

Bukod dito, tinalakay at pumasa na rin sa Komite ang House Bill No. 6954 na inakda ni dating Pangulo at kasalukuyang Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo na ang layunin naman ay maideklara bilang”eco-tourism zone” lalawigan ng Lanao del Norte na kikilalanin bilang “Timoga Eco-Tourism Zone”.