Martin Source: File photo

Mga proyektong imprastraktura itinampok bilang ambag ni FMR sa pagbangon, modernisasyon ng Tacloban

Mar Rodriguez Sep 28, 2026
168 Views

ITINAMPOK ang mga pangunahing proyektong pang-imprastraktura sa Tacloban City bilang bahagi ng mga hakbang na isinulong sa panahon ng panunungkulan ni dating House Speaker at kasalukyang Rep. Ferdinand G. Romualdez upang mapalakas ang pagbangon at modernisasyon ng lungsod matapos ang pananalasa ng Bagyong Yolanda.

Bagama’t walang humpay ang panggigipit na ginagawa laban kay Romualdez. Subalit nagdudumilat parin ang katotohanan kaugnay sa hindi matatawarang paglilingkod nito para sa kaniyang mga kababayan, kabilang sa mga binigyang-diin ang mga proyekto nito para sa transportasyon, proteksiyon laban sa storm surge at baha, drainage system, mga kalsada at pampublikong pasilidad.

Kabilang din sa mga pangunahing proyekto ng mahusay na dating House Speaker na binanggit ang Tacloban Airport Development Project, ang Tacloban-Cancabato Bay Causeway, ang Benjamin Romualdez International Convention Center (BRICC) at ang pagpapalawak ng mga pasilidad ng University of the Philippines–Sta. Elena Campus.

Bukod dito, itinampok din ang mga flood control at disaster mitigation projects na naglalayong protektahan ang mga komunidad na mababa at malapit sa baybayin.

Kabilang sa mga isinulong na proyekto ni Romualdez na labis na napapakinabangan ngayon ng mga Leyteño ang Storm Surge Protection Embankment na tinukoy sa pahayag bilang “Great Wall of Leyte,” na nagsisilbing coastal defense laban sa storm surge at high tide sa mga lugar ng Tacloban, Palo at Tanauan.

Kasama rin sa listahan ng mga proyekto ni Romudez ang Barangay Palanog Flood Control Project, isang concrete revetment structure na naglalayong mabawasan ang pagbaha at soil erosion.

Patuloy rin umano ang Mangonbangon River Dredging and Desilting Campaign na nakatuon sa pagpapalalim at paglilinis ng daluyan ng tubig upang mapabuti ang kapasidad nito at makatulong sa mabilis na pag-agos ng tubig-ulan.

Samantala, isinasagawa rin ang Tacloban-Palo Diversion Road at Grand Canal Flood Mitigation Project na may kasamang malawak na drainage system na layong makatulong sa mga lugar na madalas makaranas ng pagbaha.

Binanggit din ang mga drainage improvement sa Tacloban North Resettlement Area upang mapabuti ang flood protection sa mga relocation site na tinirhan ng mga pamilyang naapektuhan ng Yolanda.

Ayon naman sa ilang residente, mahalaga rin ang mga bypass road at iba pang road infrastructure sa pagpapabilis ng transportasyon at pagpapalakas ng kalakalan sa lungsod.

Sa pamamagitan umano ng mas maayos na koneksiyon sa mga sentro ng negosyo at komersiyo, inaasahang mababawasan ang oras at gastos sa biyahe, partikular para sa mga magsasaka at iba pang sektor na umaasa sa maayos na transportasyon.