PBBM

Mga proyektong infra sa ilalim ng BBM bubuhos sa GenSan

Chona Yu May 11, 2024
142 Views

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bubuhusan ng pondo ang General Santos City at Soccsksargen.

Ayon kay Pangulong Marcos, bagamat on track, palalakasin pa lalo nito ang mga infrastructure development projects sa lugar.

“Maganda na ang takbo ng development sa GenSan. Ang gagawin ng national government ay patuloy ang pagdebelop ng imprastruktura dun sa ‘Build, Better, More’ na aming ginagawa. Dahil pagka nabuksan natin lahat ng mga iba’t-ibang lugar, maliwanag na gaganda ang economic situation sa mga lugar na ‘yan,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Tuloy-tuloy lang naman. Kasama sa plano ang buong bansa sa social development plan. ‘Yung infrastructure dito lalo na dahil marami na kayong magandang imprastruktura ay pagagandahin pa natin para talaga mararamdaman na dadami at mas magkaroon ng trabaho at mas malaki ang kinikita,” dagdag ng Pangulo.

Tututukan din ni Pangulong Marcos ang mga mangingisda at mga magsasaka.

“Marami naman kayong cold storage dito dahil masigla ang fishing industry dito. Ang tawag diyan is we invest in success. Napaka-successful na ng ginagawa ng GenSan kaya’t doon kami maglalagay ng investment ng galing sa national government,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Pangunahing ikinabubuhay ng mga taga-General Santos ang tuna fishing at canned tuna processing.