Teofimar Renacimiiento

Mga salungat na itinuturo ni Padre Damaso sa mga botante

251 Views

SALU-SALUNGAT ang mga itinuturo ng kasalukuyang mga pari at madre ng simbahang Katoliko.

Nung siya pa ang pinuno ng simbahang katoliko sa Pilipinas, ipinahiwatig ni Jaime Cardinal Sin sa lahat ng mga katoliko na ayos lang tumanggap ng salapi sa mga pulitikong namimili ng mga boto. Ang mahalaga, anya ni Sin, dapat iboto pa rin ng tao ang nais nilang ihalal, kahit tumanggap na sila ng salapi sa mga nasabing pulitiko.

Pahabol ni Sin, likas na masama pa rin ang ipagbili ang boto.

Anong uring pagtuturo iyon? Masama daw ang ipagbili ang boto, ngunit ayos lang tumanggap ng salapi sa mga pulitikong namimili ng boto, basta iboboto ng tao ang nais niyang ihalal!

Kung likas na masama ang isang gawain, mananatiling itong likas na masama, kahit ano pa ang dahilan na ibigay ng nagkasala.

Halimbawa, kasalanan sa batas ng Diyos at sa batas ng tao ang magnakaw. Kahit matindi ang pangangailangan ng nagnakaw, kasalanan pa rin sa Diyos at sa batas ang pagnanakaw.

Ano ang masasabi mo dito, Padre Damaso at Madre Damasa?

Mukhang nakalimutan nina Padre Damaso at Madre Damasa na labag sa batas ang tumanggap ng salapi mula sa sino mang kandidatong namimili ng boto. Hindi mahalaga kung ang nagbenta ng kanyang boto ay hindi tutupad sa kanyang pangakong iboboto niya yung kandidatong nagbigay sa kanya ng salapi. Sapat na masama ang tumanggap ang nasabing botante ng salapi mula sa kandidatong namimili ng boto.

Ngayong panahon na naman ng halalan, eto na muli sina Padre Damaso at Madre Damasa na nakikialam sa pulitika.

Hindi itinatago ng mga prayle at madre na kinakampanya nila si Leni Robredo na manalo sa halalan ngayong Mayo 2022. Inulat nga sa maraming pahayagan na mayroong isang libong pari at madre sa Tondo, Maynila ang nagkakampanya para kay Robredo.

Sa Ilalim ng saligang batas, hindi dapat makialam sa pulitika ang mga pari at madre dahil hindi sila nagbabayad ng buwis. Ang mga mamamayang nagbabayad ng buwis ang mayroong karapatang batikusin ang pamahalaan sapagkat ang buwis nila ang ginagamit sa pagpapatakbo ng pamahalaan.

Dapat magbayad muna ng buwis ang mga pari at madre bago sila makialam sa pulitika.

Bakit panig kay Robredo sina Padre Damaso at Madre Damasa?

Ang sagot — nakikita ng mga pari at madre na kapag si Robredo ang mahalal sa Mayo 2022, babalik ang kanilang kapangyarihan at inpluwensiya sa pamahalaan, tulad nung panahon ni Pangulong Corazon Aquino at Pangulong Noynoy Aquino.

Naniniwala sina Padre Damaso at Madre Damasa na kapag garapalan ang kanilang pagkampanya kay Robredo, magkakaroon ng matinding utang na loob si Robredo sa simbahang katolika. Inaasahan nilang maraming mga pari at madre ang mabibigyan ni Robredo ng mahalagang tungkulin sa kanyang pamahalaan, sakaling si Robredo nga ang magwagi.

Uhaw sa kapangyarihan sina Padre Damaso at Madre Damasa sa pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Alam nilang mananatili silang uhaw sa kapangyarihan kapag ang nagwagi sa halalan ay si Bongbong Marcos.

Kapag nagka-kapangyarihan ang mga pari at madre sa pamahalaan, makakaasang kakalabanin nila ang mga protestante at Muslim. Nais nila na sila lang ang namumunong relihiyon sa buong Pilipinas.

Hangarin rin nina Padre Damaso at Madre Damaso ang pagbabalik ng panahong natatakot ang pamahalaan at mga mamamayan sa mga pari at madre.

Meron pa.

Si Socrates Villegas, ang paki-alamerong arsobispo ng Lingayen-Dagupan sa Pangasinan at dating utusan ni Cardinal Sin, inuulit ang maling turo ni Cardinal Sin.

Ayon kay Villegas, ayos lang tumanggap ng salapi mula sa mga kandidatong namimili ng boto, basta iboboto ng tao ang kandidatong napupusuan niya.

Pahabol ng mga namumulitikang pari at madre — si Robredo ang dapat iboto.

Tulad ng sinabi kanina, salungat ang turo nitong si Villegas. Biro mo? Isang paring mataas ang ranggo sa simbahang katoliko, nagtuturo na ayos lang tumanggap ng salapi sa masamang paraan! Grabe!

Anong oras na?

Oras na upang huwag paniwalaan ang mga Padre Damaso at mga Madre Damasa na nakikialam sa pulitika, at tumatangkilik kay Robredo.

Tama si Jose Rizal, ang pambansang bayani ng Pilipinas. Hindi dapat magtiwala ang taong-bayan sa mga pari at madreng nagnanais maging makapangyarihan sa pamahalaan.