Calendar

Mga solon ibinasura alegasyon na nakatanggap ng milyong halaga ng ayuda funds sa pagsama sa sortie ni Speaker Romualdez
IBINASURA ng mga mambabatas ang alegasyon ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na tumatanggap ang mga miyembro ng Kamara de Representantes ng milyong halaga ng social amelioration funds sa kanilang pagdalo sa mga out-of-town engagement ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
“Sa experience ko po ay wala akong ganyan na nakikita at wala po akong ganyan na na-experience,” ani House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” C. Libanan.
Kinontra rin ni Libanan ang sinabi ni Magalong na ginagamit ang 2025 national budget bilang “election fund,” at iginiit na ang pamimigay ng ayuda sa ilalaim ng mga programang AKAP, AICS at TUPAD ay hindi kontrolado ng mga politiko.
“‘Yung sinasabing 2025 na iyong GAA ay election funds, lahat ng disbursements hindi po nakikialam ang mga politiko,” sabi ng solon.
“Sa mga distribution ng social services bawal po ang mga politiko magpunta roon. Iyan ay strictly na in-implement po ngayon,” dagdag pa ni Libanan. “Ang ating pondo ay para sa pag-aayos ng ating bansa at ang nakikita ko po dito ay gawin lang natin ang ating mga tungkulin.”
Kung mayroon umanong nangyaring iregularidad, pinayuhan ni Libanan ang mga nakasaksi nito na pumunta sa angkop na otoridad at maghain ng reklamo.
“Kung may reklamo man, kung may nakikita, nandyan naman ang ating mga husgado at pwede magpunta sa House to clarify sa mga charges na binabato,” saad pa nito.
Itinanggi rin ni 1Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez ang naturang alegasyon.
“I’m not part of the leadership. I am a regular member of this House, but just to answer anecdotally, I don’t think I’ve had the experience that would answer that question in the affirmative,” ani Gutierrez.
Iginiit ni Gutierrez na ang lahat ng pondo sa mga kinukuwestyong programa ay nasa kontrol ng mga ahensya ng gobyerno.
Sinabi ni Libanan na walang miyembro ng opposition bloc sa Kamara ang nag-ulat sa kanya na nakatanggap ng pondo para sa ayuda.
“In addition to that, I am the leader of the minority and they have not received any report of the minority. Any member of the minority telling me na mayroong gano’ng mga 7 AICS, 7 AKAP wala po akong narinig na ganyan,” saad ni Libanan.
Nang tanungin kaugnay ng sinabi ni Magalong na nakatanggap siya ng pagbabanta mula nang isiwalat ang alegasyon ng pagbibigay ng ayuda sa mga kongresista na sumasama sa mga biyahe ni Romualdez, sinabi ni Libanan na nangyayari talaga ito sa mga public servant.
“Alam niyo po pag government official ka kasama na po ‘yan. Hindi po ordinaryong maging public servant,” wika pa ni Libanan.
Iginiit naman nito na dapat iulat ni Magalong ang insidente sa otoridad.
“Pwede niya ipa-report ‘yan sa DICT madaling matunton ‘yan kung sinong nagte-threat na ‘yan,” wika pa ni Libanan.
“Lalo na katulad sa kanya na dating [pulis], alam niya madaling matunton kung sinoman kung sinong nagte-text dahil ‘yung ating procedure ngayon lahat ng ating numbers sa telepono ay registered na ‘yung ating mga pangalan kaya pwedeng matunton ‘yan kung sino ang taong ‘yan,” dagdag pa nito.