Tax

Estate tax amnesty samantalahin– Sen. Win

306 Views

NANAWAGAN si Sen. Sherwin Gatchalian sa publiko na samantalahin ang nalalabing araw ng estate tax amnesty program na magtatapos sa Hunyo 16.

Sa ilalim ng programang ito, maaaring bayaran ng mga tagapagmana at benepisyaryo ang buwis sa namatay na kaanak nang walang karagdagang multa o interes.

Layunin ng amnestiya na mabigyan sila ng legal na katiyakan sa pag-aari ng ari-ariang minana at ng magamit ito sa mga gawaing pangkabuhayan.

Ipinatupad ang pinalawig na amnestiya sa pamamagitan ng Republic Act 11956, isang batas na siya ring pangunahing inakda at itinaguyod ng senador.

Binago nito ang naunang Tax Amnesty Act upang bigyan ng palugit ang mga tagapagmana, transferee, at benepisyaryo hanggang Hunyo 14, 2025 upang bayaran ang estate tax nang walang surcharge.

Dahil Sabado sa Hunyo 14, inilipat ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang deadline sa Lunes, Hunyo 16.

Maaaring isumite ang mga kinakailangang dokumento sa alinmang awtorisadong bangko o Revenue District Office sa pamamagitan man ng personal na pagsumite o online. Pinapayagan din ang pagbabayad nang hulugan upang mapalawak ang partisipasyon.

“May panahon pa para makapagbayad sila ng kaukulang buwis ng walang dagdag na bayad dahil hindi na nila kailangang magbayad ng penalty at interes,” iginiit ni Gatchalian.

Ipinunto rin ng senador na bukod sa pagtulong sa mga mamamayan, mahalaga rin ang programang ito para sa pag-unlad ng bansa.

Makatutulong ang dagdag na koleksyon sa estate tax sa pagpapatupad ng mga programa laban sa kahirapan sa pamamagitan ng pinalakas na pondo ng pamahalaan.