Calendar
Mister nagselos, binaril ka-chat ni misis
TINANGKA umanong patayin ng selosong magsasaka ang kanyang kapitbahay nang maabutang nag-uusap ang biktima at kanyang asawa sa harap ng kanilang bahay sa Magallanes, Cavite.
Kaagad na isinugod sa Magallanes Rural Health Unit sa Brgy. Kabulusan, Magallanes ang biktimang si Reniel, 46, bago inilipat sa Gen. Emilio Aguinaldo Medical Hospital upang isailalim sa operasyon sa tinamong tama sa kaliwang palad na tumagos at bumaon ang bala sa kaliwang hita.
Sa ulat ng Magallanes Municipal Police Station, kararating lang ng suspek na si alyas Carlito, 52, mula sa bukid nang abutang magkausap ang biktima at asawang si alyas “Ronalyn” sa harap ng kanilang bahay sa Brgy. Bendita 2, Magallanes bago mag-alas-12 ng tanghali ng Martes.
Nagpakita kaagad ng galit ang suspek na dahilan para magtalo sila ng kapitbahay hanggang kinuha nito ang dalang kalibre .22 na revolver sa bulsa.
Gayunman, tinangkang agawin ni Reniel ang baril at sa gitna ng pag-aagawan, pumutok ito at tinamaan ang biktima.
Naaresto naman ng mga nagrespondeng pulis ang suspek at nabawi sa kanya ang baril na gagamitin sana sa tangkang pagpatay.

