Bigti

Mister nakitang nakabigti, may hawak na kutsilyo

236 Views

NATAGPUANG wala ng buhay sa loob ng barracks ng pinagtatrabahuhang kumpanya sa Quezon City ang isang lalaki na nagpatiwakal umano matapos makipag-away sa kanyang misis Linggo ng gabi.

Sa ulat ng Talipapa Police Station 3 ng Quezon City Police District (QCPD), alas-7:50 ng gabi noong Nobyembre 9 nang matagpuan ang nakabigting katawan ng biktima sa Barangay Talipapa, Novaliches, Quezon City.

Ayon sa report, bago ang insidente ay nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang biktima at ang misis.

Sa kalagitnaan ng pagtatalo, pinalo ng martilyo ng mister ang kanyang misis dahilan upang irekamo siya sa kanilang barangay.

At sa kasagsagan ng Bagyong Uwan, nagpasyang umalis ang biktima at nagtungo sa kanyang trabaho, pumasok sa loob ng kanilang barracks at doon ay nagbigti habang may hawak pang kutsilyo sa kaliwang kamay.

Agad nagresponde ang Scene of Crime Operation team mula sa QCPD Forensic Unit, sa pangunguna ni P/Maj. Michael P. Jabel, at sa isinagawang pagsusuri, walang foul play sa nangyaring insidente.