Calendar
Zero casualty sa Maynila dahil sa maagang paghahanda — Yorme Isko
UMABOT sa 3,375 na pamilya o kabuuang 10,860 katao ang iniulat na naapektuhan ng bagyong Uwan na kinailangang ilikas ng puwersahan sa Lungsod ng Maynila.
Sa isinapublikong ulat ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, kanyang kinilala ang mabilis na kilos nina Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Jay Dela Fuente at Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Director Arnel Angeles sa agarang paglilikas at pangangalaga sa mga pamilyang naninirahan sa mga delikadong lugar Linggo pa lang ng umaga.
Ayon sa alkalde, bagama’t nagitla sila sa dami ng mga kinailangang ilikas ng puwersahan, nagpapasalamat naman siya sa Diyos dahil wala isa man anyang naiulat na nasawi.
Naging matagumpay aniya sila sa ginawang paglilikas ng mga naninirahan sa ilang mga lugar na napakadelikado sa kanyang mga kababayan kaya’t maaga pa lang ay iniutos na niya ang force evacuation.
Batay sa ulat, pinabuksan ng alkalde ang 27 sa kabuang 36 na evacuation centers sa Maynila na matutuluyang pansamantala ng mga apekdatong pamilya sa 27 barangay sa kapitolyo ng bansa.
Hanggang Lunes ng umaga, may 806 pang pamilya o 2,522 katao ang nananatili sa Delpan Sports Complex na hinahandugan ng pagkain ng MDSW habang 1,331 pang pamilya o 3,966 katao sa Baseco ang nasa H.J. Atienza Elementary School evacuation center.
Umaasa ang alkalde na makakauwi na sa kani-kanilang mga tirahan ang mga bakwit hanggang araw ng Martes ,kapag tuluyang ng gumanda ang panahon.

