BBM

Misyon ni BBM: Sapat, maaasahan, at abot-kayang kuryente

273 Views

KASAMA sa misyon ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagtiyak na mayroong sapat, maaasahan, at abot-kayang suplay ng kuryente sa bansa.

Sinabi ni Marcos na malaking bahagi ng sahod ng mga Pilipino ang napupunta sa pambayad sa kuryente na mataas umano kung ikukumpara sa ibang bansa.

Ayon kay Marcos, kailangang madagdagan ang mga planta ng kuryente at prayoridad sa itatayo ang geothermal at hydroelectric power plant, solar at wind power farms.

“Renewable gaya ng solar at wind power gaya ng ginawa namin sa Ilocos. Maraming lugar sa bansa ang pwedeng gawan ng wind power. Kailangan lang aralin at magkaroon ng kaunting imahinasyon para ipatupad ito,” sabi ni Marcos.

Bukod sa paggawa ng kuryente, sinabi ni Marcos na dapat palakasin ang kakayahan ng bansa na mag-ipon ng kuryente. Marami na umanong makabagong teknolohiya para sa large scale battery storage.

Sa ganitong paraan ay maiipon umano ang kuryente na hindi nagamit at maaari itong gamitin sa hinaharap upang hindi magkaroon ng pagnipis sa suplay.

“Ang isa pang teknolohiyang aking paglalaanan ng pansin ay ang mga tinatawag na large scale battery storage. Ang nagiging problema dati sa solar at wind power ay ang intermittent of production, ibig sabihin hindi lagi umiihip ang hangin at hindi naman laging may-araw,” paliwanag ni Marcos.

Ang teknolohiyang ito na ginagamit ng mga bansa sa Europa, Estados Unidos, at Australia para makapag-imbak ng kuryente ay ginagamit na umano ngayon sa bansa ng San Miguel Corp. at ang kailangan na lamang ay paramihin ito.

Nasa plano rin umano ang pag-aralan kung dapat pang buhayin ang Bataan Nuclear Power Plant na proyekto ng kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.

Ang nuclear plant ay ginagamit ng maraming bansa sa paglikha ng murang kuryente.