PCG Nagsasagawa ng follow-up at backtracking operation ang MPD Barbosa Police Station 14, sa pamumuno ni PLt. Col. Arwen Nacional, kasama ang Homicide Section para sa agarang ikadarakip ng suspek sa pamamaril sa isang miyembro ng PCG. Mga kuha ni JON-JON REYES

Miyembro ng Philippine Coast Guard tepok sa nakaalitan

Jon-jon Reyes Nov 5, 2025
275 Views

PCG1DEAD on the spot ang 38-anyos na lalaki na miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos pagbabarilin ng nakaalitan na suspek sa may J. Barlin Street, Barangay 465, Sampaloc, Manila, madaling araw ng Miyerkules.

Kinilala ang biktima na residente ng Sampaloc, Manila.

Ayon sa report ni Police Major Dave Garcia, hepe ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD), bandang 3:55 ng madaling araw nang mangyari ang pamamaril sa biktima.

Base sa salaysay ng 23-anyos na saksi na si alyas “Eddie,” isang Grab rider, magkakilala ang suspek at biktima.

Nagkaroon ng mainit na alitan ang dalawa hanggang sa nauwi sa suntukan at biglang bumunot ng baril ang suspek. Binaril nito ang biktima sa ulo at ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran kamatayan ng huli.

Matapos nito ay mabilis na tumakas ang suspek na nakilalang si alyas “Saif” na Muslim at nakasuot ng kulay abong kamiseta. Naglakad ito patungong España Avenue.

Agad rumesponde ang MPD Forensic Unit-Scene of Crime Operation sa pangunguna ni PCapt. Angelo S. Villanueva sa pinangyarihan ng krimen para sa imbestigasyon.