Isko

Yorme Isko nanawagan ng pagkakaisa, tulong para sa nasalanta ng bagyo sa Cebu

Edd Reyes Nov 5, 2025
345 Views

NANAWAGAN ng pagkakaisa si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na tumulong sa mamamayan ng Cebu na labis na sinalanta ng bagyong Tino kasabay ng pgkakaloob ng P1 milyong pisong tulong sa pamahalaang panlalawigan.

Ibinahagi rin ng alkalde sa kanyang panawagan ang kanyang pakikidalamhati sa mga biktima ng bagyo na ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay nag-iwan ng 66 na nasawi, 10 ang sugatan, at 26 ang nawawala sa buong Visayas at Mindanao hanggang alas11:00 ng umaga ng Miyerkules.

Umapela rin si Domagoso sa mga negosyante at grupo ng pribadong indibiduwal na magpaabot ng tulong, bukod pa sa hiling sa mga residente na maghandog din ng kung ano ang kanilang makakayanan.

“Nakakalungkot, sa Cebu, hindi pa ho sila nakakabangon halos sa naganap na lindol. Ngayon naman po’y hinambalos sila ng bagyo,” sabi ng alkalde.

Nagpahatid din si Mayor Isko Moreno ng pakikiramay sa mga naiwang pamilya ng mga nasawi sa sakuna at tiniyak sa mga Cebuanos na ang kapitolyo ng bansa ay kasama nila sa dalamhati at sa kanilang muling pagbangon.