Calendar
Inihayag ni Police Lt.Col. Jolly Soriano, hepe ng MPD Malate Police, ang isinagawang backtracking at follow up operation kaugnay sa tatlong suspek. JONJON C. REYES
Sekyu ninakawan ng baril ng 3 suspek habang tulog
NASA kasagsagan ng mahimbing na pagkakatulog ang isang security guard habang naka duty sa isang condominium ng nakawin ng tatlong lalaki ang kanyang service firearm sa Malate, Manila, Lunes ng madaling araw.
Base sa kuha ng CCTV, namataan na may dalawang lalaki sa main entrance ng condo na palakad lakad pasado alas 3:25 ng madaling araw
Hanggang sa dahan-dahang lumapit ang mga suspek sa natutulog ng guard, binuksan ang drawer ng security podium at kinuha ang 9mm na baril na service firearm ng sekyu.
Ayon pa sa isa pang kuha ng CCTV sa labas ng condominium, nakunan na naglalakad ang dalawang suspek at mayroon pa silang isang kasama.
Makalipas ang 15 minuto, nagising ang guwardiya at dito na niya nabatid na nawawala na ang kanyang gamit na baril.
Mabilis na ipinagbigay-alam sa mga pulis ang nasabing pangyayari
Sa isinagawang backtacking, napag-alaman ng mga pulis na dumaan ang mga salarin sa Castro Street patungong Fidel Reyes Street hanggang sa makarating sila ng Noli Agno Street sa Malate.
Dito na nasakote ang unang suspek ng mga pulis, ayon kay Police Lieutenant Colonel Jolly Soriano, hepe ng Manila Police District Malate Police Station 9.
“Nu’ng dinala ang suspek sa presinto ay wala pa sa kanyang posesyon ‘yung firearm. Patuloy pa namin hinahanap ‘yung dalawa kasi, nagkahiwa-hiwalay sila,” dagdag ni PLt.Col Soriano.
Kalaunan, itinuro rin ng 19-anyos na suspek kung saan itinago ang baril. Aniya ibinaon nila ito sa ilalim ng isang puno.
Agad na nabawi ang nasabing armas.
Ayon pa rin sa pulisya, nagkakaroon na ng imbestigasyon ang security agency sa kung bakit nakatulog noon ang 23-anyos na sekyu.

