Notoryus

Suspek sa holdup nagbenta ng boga sa parak, tiklo

Edd Reyes Nov 5, 2025
263 Views

ARESTADO ang notoryus na holdup suspect na sangkot sa iba’t-ibang uri ng krimen nang pagbentahan ng baril ang pulis na nagpanggap na buyer Martes ng hapon sa Paranaque City.

Sa kanyang tirahan sa Don Pedro St., Garcia Heights, Brgy. San Antonio, Paranaque City dinakip ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo si alyas “Ace” ,41, dakong alas-5:40 ng hapon, matapos ibenta sa isang tauhan ng District Special Operations Unit (DSOU) ng SPD ang kalibre .45 pistola na umano’y gamit niya sa ilegal na aktibidad.

Ayon kay DSOU chief P/Lt. Col. Antonio Ananayo, Jr., sangkot sa serye ng panghoholdap at pagnanakaw ang suspek na naaresto na rin sa mga kinasangkutang kasong paglabag sa Dangerous Drug Act, Illegal Gambling, at R.A. 9262 o ang Violence Against Women and Their Children Act.

Bukod sa ibinentang baril, nabawi rin kay alyas Ace ng mga pulis ang isang magazine, mobile phone na kanyang gamit sa mga ilegal na transaksiyon, at markadong salapi na kinabibilangan ng tunay na P500 na nakapatong sa boodle money.