Kulam Source: Mangkukulam FB post

Suspek sa pagpatay sa sikyu: Pinakulam nya kambal kong apo

221 Views

AMINADO ang naarestong suspek na siya ang bumaril at nakapatay sa isang security guard sa Quezon City noong nakaraang Linggo.

Ayon sa pulisya paghihiganti ang motibo sa krimen dahil pinagsususpetsahan ng suspek na ang biktima ang nagpakulam sa kambal na apo niya.

Tumulong pa umano ang suspek sa pag aasikaso sa labi ng namatay na biktima.

Ang suspek ay pinsan ng tatay ng biktima.

Nakilala lamang ang suspek matapos ang isinagawang backtracking ng mga operatiba ng QCPD. Nahagip sa isang CCTV footage ang pamamaril ng suspek sa biktima. Nagtanggal umano ng sumbrero ang suspek habang sakay ng kaniyang motorsiklo, doon na natukoy ng pulisya na siya ang responsable sa pamamaril sa biktima.

Giit naman ng 44-anyos na suspek ay ipinakulam umano ng biktima ang kaniyang kambal na apo kaya namatay habang ipinagbubuntis ng kaniyang anak.

“Pinagbantaan niya kaming papatayin lahat kasi napatay na niya ang dalawa kong apo,”ayon sa suspek.

“Dahil sa pagbabanta niya sa anak ko ay napaanak ng wala sa oras kaya namatay sa sinapupunan, six months pa lang,” dagdag pa ng suspek.

Ayon pa sa suspek ay hindi niya intensyon na patayin ang biktima.

“Babarilin ko lang sana sa paa kaya lang natumba ako kaya nabaril ko sya sa katawan,” ayon sa suspek.

Ang suspek ay dinakip ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD sa kanyang hideout sa Bgy. Culiat dakong alas-11:25 ng gabi nitong Linggo.

Nakuha mula sa suspek ang isang kalibre .38 na baril nang maaresto ito.

Isinampa na ng QCPD ang kasong pagpatay at illegal possession of fiream laban sa suspek.