Manok

Pagpasok ng HPA1 virus sa PH pinigilan; manok mula Netherlands bawal muna

Cory Martinez Nov 6, 2025
167 Views

PANSAMANTALANG ipinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang importasyon ng wild at domestic birds, kabilang na ang poultry products mula sa Netherlands kasunod ng pagkalat ng bird flu sa mga unang araw ng buwang kasalukuyan.

Sakop ng suspension ang karne ng manok, day-old na sisiw, itlog at semilya para sa artificial insemination ng breeders.

Sinabi ni DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., inireport ng Dutch veterinary authorities sa World Organization for Animal Health noong Oktubre 8 ang pagkalat ng H5N1 Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) sa Aa en Hunze, Drenthe noong Oct. 6, na nakahawa sa mga domestic na ibon.

Bilang aksiyon sa rekomendasyon ng Bureau of Animal Industry (BAI), iniutos ng DA Chief ang import freeze upang protektahan ang populasyon ng poultry ng bansa at mapigilan ang pagpasok ng HPAI virus.

Ayon kay Tiu Laurel, mahalaga sa food security at pangunahing susi ng pamumuhunan at hanapbuhay ang suspensiyon.

Inatasan din nito ang BAI na suspendihin ang proseso sa pag-iisyu ng sanitary at phytosanitary import clearances para sa mga produkto ng poultry mula sa Netherlands.

Sa ilalim ng memorandum order no. 68, ang mga kargamento mula sa Netherlands na nakabiyahe na, naikarga o tinanggap sa pier bago naging epektibo ang direktiba ay papayagang makapasok, subalit dapat na ang mga produkto ay kinatay o ginawa bago Setyembre 22.

Maliban sa heat-treated products, lahat ng mga darating na kargamento pagkatapos ng ban ay kukumpiskahin ng veterinary quarantine officers sa ports of entry.

Noong Disyembre ng nakaraang taon ay pinigilan ng DA ang importasyon ng mga ibon at poultry products mula sa Netherlands dahil sa bird flu outbreak. Ang import ban ay inalis lamang noong Mayo.