MMDA

MMDA: Number coding scheme suspendido sa Biyernes

Edd Reyes Oct 28, 2025
369 Views

SUSPENDIDO ang Expanded Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme sa Biyernes, Oktubre 31.

Nag-anunsiya ng suspensiyon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bunga ng pagdedeklara ng Malacanang na isang special non-working day ang araw ng Biyernes na bispersas ng All Saints’ Day.

Karaniwang ipinatutupad ang suspensiyon ng number coding tuwing official at special non-working holidays bagama’t hindi na ini-anunsiyo ng ahensiya ang suspensiyon ng UVVRP sa araw ng Undas dahil bukod sa pista opisyal, natapat ito ng Sabado habang Linggo naman ang All Souls Day.

Ang number coding ay ipinatutupad mula Lunes hanggang Biyernes ng mula alas-7:00 hanggang alas-10:00 ng umaga at alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi maliban kung pista opisyal.

Hindi naman sakop ng number coding ang mga pampublikong sasakyan, transport network vehicle services (TNVS), motorsiklo, garbage truck, government-marked vehicle, fuel truck, media-marked vehicle, firetruck, ambulansya, at mga sasakyang may dalang perishable at pangunahing pagkain.