MMDA Source: MMDA FB

MMDA tiniyak mananagot sanhi ng sunog sa Navotas landfill

Edd Reyes May 6, 2026
23 Views

NAKAKAKITA na ng liwanag ang mga opisyal ng pamahalaan na nagtutulong-tulong sa pag-apula ng sunog sa Navotas Sanitary Landfill bunga ng tuloy-tuloy na pagtatambak ng mga putik at lupa sa umaapoy na bahagi ng dating tambakan ng basura.

Sa ipinatawag na pagpupulong Miyerkules ng umaga ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes, kasama ang mga kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), Department of Science and Technology (DOST) Disaster Relief Team ng Japan International Cooperation Agency (JICA), at mga opisyal ng Navotas City, isa-isang inilatag ang mga pangyayari mula sa simula, mga kadahilanan, mga hakbang na ginawa, at ang kasalukuyang sitwasyon.

Sinabi ni Artes na mahalagang malaman kung ano na ang sitwasyon sa lumang landfill at ano pa ang puwedeng pagtulungang gawin, hindi lamang para maapula ang sunog, kundi upang matuto na rin sila ng mga tamang pamamaraan kung sakali at muling may nangyaring kahalintulad nito.

Sinabi ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco na hindi sana mangyayari ito kung tinupad lamang ng operator ang implementasyon para sa ligtas na paraan ng pagsasara ng landfill batay sa nakasaad sa kontrata at hindi basta na lang inabandona.

Sa ngayon aniya, nasa 79.6 porsiyento ng tapos ang pag-apula sa sunog sa higit 40 ektaryang landfill kaya umaasa sila na hindi na magtatagal ay tuluyan ng mapapatay ang sunog at makakabalik na sa normal na pamumuhay ang mga apektadong pamilya, lalu na sa Obando, Bulacan.

Iniulat din ng DENR na gumanda na ang kalidad ng hangin sa buong Metro Manila dahil sa tuloy-tuloy na operasyon at pagtutulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor sap ag-apula ng apoy.

Tiniyak din ng ahensiya na mananagot ang dating operator ng landfill sa nangyaring sunog kapag tuluyan ng naapula ang apoy.