Gas Source: QCPD-PIO

QCPD alam na plate number ng sasakyan na nagpa-‘gas and run’

27 Views

NATUKOY na ng Quezon City Police District (QCPD) ang plate number ng sasakyang sangkot sa insidente ng “gas-and-run” sa isang gasoline station sa kahabaan ng Mindanao Avenue, Brgy. Bahay Toro, madaling araw ng May 3.

Sa pamamagitan ng CCTV backtracking at koordinasyon sa mga kalapit na establisimyento at barangay, kabilang ang Bgy. Bahay Toro at Brgy. Bagong Pag-asa, nakilala ang sasakyan bilang grayish blue Toyota Vios (2023 model) na may plakang CBK 7953.

Lumabas sa beripikasyon na ang naturang sasakyan ay binili mula sa Toyota Nueva Ecija at nakarehistro sa Toyota Financial Services Philippines Corporation (TFSPH), at naka-lease sa isang indibidwal na kinilalang alias “JHEROSALYN.”

Hinihikayat ng QCPD ang taong sangkot na makipag-ugnayan na sa mga awtoridad upang linawin ang insidente at maiwasan ang posibleng pagsasampa ng kaso.

Samantala, nananawagan din ang pulisya sa publiko na magbigay ng anumang impormasyon hinggil sa pagkakakilanlan o kinaroroonan ng mga sangkot sa pamamagitan ng pinakamalapit na himpilan ng pulisya o pagtawag sa E911 at QC Helpline 122 para sa agarang aksyon.