Modernisasyon ng AFP tuloy — PBBM

Chona Yu Dec 13, 2024
54 Views

TARGET ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gawing world class ang Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa graduation ceremony ng Major Services Officer Candidate Course (MS OCC) sa Camp Aguinaldo, Quezon City, sinabi ni Pangulong Marcos na tuloy ang modernisasyon sa AFP.

Mananatili aniyang tapat ang administrasyon sa pagtutok sa pagbabago ng AFP para maging world class na pwersa na maaaring ipagmalaki at national security.

Ang MS OCC ay isang programang tumatagal ng isang taon para sa mga nagtapos ng bachelor’s degree para maging mga opisyal sa Philippine Army (PA) at Philippine Air Force bilang mga Second Lieutenant, kabilang din dito ang Philippine Navy (PN) bilang Ensign sa regular na pwersa ng AFP.

“We will modernize your equipment, enhance your training programs, ensure that you are equipped to face challenges not just of today, but also of the future. Because together, we will build an AFP that will stand as a beacon of strength, of alliance, resilience, and technological excellence,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Kasabay nito, hinikayat din ng Pangulo ang mga nagtapos na magsagawa ng kanilang tungkulin ng may kahusayan.

“Maraming salamat sa pagtanggap sa hamong makapagsilbi sa ating minamahal na Pilipinas. Saan man kayo maitalaga, nawa’y maglingkod kayo nang may kahusayan, katapatan, at karangalan,” pahayag ni Pangulong Marcos