Calendar

Money ban ops 1 nalambat
May kasamang ulat ni BERNARD GALANG
SCIENCE CITY OF MUÑOZ–Tiklo ang 38-anyos na babae sa syudad na ito noong Sabado na may dalang P1.65 milyon sa checkpoint ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng money ban hanggang sa Mayo 12.
Kinilala ni Lt. Col. Andres Calaowa Jr., hepe ng pulisya, ang naaresto na taga-Brgy. San Pascual, Talavera, Nueva Ecija.
Dinakip siya matapos masita sa checkpoint sakay ng kotse sa Brgy. Poblacion West alas-9:20 ng umaga.
Napansin ng mga patrol operatives ang eco-bag sa loob ng sasakyan na tila puno ng pera.
Nang tanungin, inamin ng babae na ang bag naglalaman ng cash na aabot sa P1.65 milyon.
Sinabi ni City election officer Jose B. Ramiscal na inaresto ang babae matapos paigtingin ang pagpapatupad ng money ban kaugnay sa vote-buying.
Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Section 28 ng Comelec Resolution 11104 para sa inquest-filing laban sa suspek sa tanggapan ng city prosecutor dito.
“Ang operasyong ito nagsisilbing paalala na ang pagpapatupad ng batas sa Science City ng Muñoz nananatiling matatag,” sabi ni Calaowa.